Balita

Tanauan may ‘Walk for Justice’ ngayon

- Ni Martin A. Sadongdong

Libu-libo ang inaasahang makikiisa sa “Walk for Justice” ng mamamayan ng Tanauan City, Batangas ngayong Linggo para sa napaslang nilang si Mayor Antonio Halili—kasabay ng libing ng alkalde.

Sinabi ni acting City Mayor Jhoanna Villamor, ang martsa ang simbolo ng pagkakaisa ng mamamayan ng Tanauan City sa paghiling ng katarungan para sa pamamaslan­g sa 72-anyos na alkalde nitong Lunes.

“Nananawaga­n ako sa lahat ng Tanaueños na sana ay patuloy tayong magdasal para sa pamilya ni Mayor Thony at sana ay mabigyan na ng hustisya ang kanyang pagkamatay,” sinabi ni Villamor sa panayam sa kanya ng Balita kahapon.

Ayon kay Villamor, magsisimul­a ng 6:00 ng umaga ang solidarity march sa Plaza Mabini patungo sa bahay ni Halili sa Josefa Village sa Barangay Sambat, kung saan nakaburol ang alkalde. Ang mga dadalo ay hinihimok na magsuot ng dilaw na damit, habang ang mga kawani ng Tanauan City Hall ay magsusuot ng pasadyang yellow shirt na naiimprent­ahan ng itim na ribbon sa ibabaw ng logo ng lungsod. Hinihikaya­t din ang mga dadalo na magdala ng mga bulaklak, kandila, o puting lobo. Dadaan ang martsa sa Saint John the Evangelist (SJE) Parish Church, kung saan magdaraos ng misa simula 8:00 ng umaga hanggang 9:30 ng umaga. Dadalhin naman ang labi ni Halili sa Tanauan City Hall para sa public viewing at necrologic­al service na itinakda ng 10:30 ng umaga hanggang 2:30 ng hapon.

Sa ganap na 2:30 ng hapon ay gagawin na ang funeral march mula sa Tanauan City Hall hanggang sa Loyola Gardens, kung saan ihihimlay ang alkalde bandang 3:00 ng hapon.

Sinabi ni Chief Supt. Edward Carranza, director ng Police Regional Office (PRO)-4A, na nasa 100 pulis-Tanauan ang ipakakalat upang tiyakin ang seguridad sa buong aktibidad. ILANG KALSADA ISINARA Simula 9:00 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga ngayong Linggo ay sarado ang kalsadang sumasaklaw sa Saint John the Evangelist Parish Church hanggang sa Tanauan City Hall. Pinayuhan din ang mga motorista na iwasang mag-park sa A. Mabini Avenue hanggang Tanauan City Hall.

Ang mga motoristan­g manggagali­ng sa bayan ng Talisay ay pinapayuha­ng dumaan sa Sala Road, habang ang mga magmumula sa Tanauan City proper ay pinadadaan sa Trapiche o Tinurik Road upang makaiwas sa trapiko.

BLANGKO Samantala, blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakil­anlan ng suspek, na ang tanging iniwang bakas ay ang bala at basyo ng bala na ginamit niya sa pagpatay kay Halili.

Gayunman, umapela si Carranza ng pang-unawa sa publiko, at nangakong gagawin ang lahat upang matukoy ang pagkakakil­anlan ng suspek.

Ito rin ang panawagan ni Mayor Villamor sa pulisya.

“Nananawaga­n ako sa PNP na sana gawin nila ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Mayor Thony Halili,” ani Villamor.

Matatandaa­ng umaawit ng “Lupang Hinirang” ang alkalde sa flag-raising ceremony sa Tanauan City Hall nang barilin siya sa puso nitong Lunes ng umaga, at kaagad na namatay.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines