Balita

Ordinaryo na lang ang pagpatay sa PH?

- Bert de Guzman

SA nakalipas na linggo, dalawang alkalde ang napatay sa pamamagita­n ng pagbaril at pananamban­g. Ang una ay si Tanauan City Mayor Antonio Halili na binaril at tinamaan sa puso ng isang sniper o marksman habang dumadalo sa flag-raising ceremony at umaawit ng “Bayang Magiliw” o “Bayang Hinirang”. Ang ikalawa ay si General Tinio (Nueva Ecija) Mayor Ferdinand Bote na tinambanga­n sa Cabanatuan City.

May nag-aakala tuloy na ang Pilipinas ay nagiging parang isang “Wild, Wild West” country. Isipin ninyo na tatlong paring Katoliko, 10 journalist­s, 12 local officials (kasama na rito sina Halili at Bote), mga prosecutor, abogado at libulibong suspected drug pushers, at users ang napatay sa nakalipas na dalawang taon. Parang ordinaryon­g pangyayari na lang daw yata ang pagpatay sa ating bansa. Itanong ninyo ito kay presidenti­al spokesman Harry Roque at baka may maganda siyang kasagutan.

Habang isinusulat ko ito, may balitang magpupulon­g bukas (Lunes) sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine­s ( CBCP) na si Davao Archbishop Romulo Valles sa Malacañang. Parehong taga-Davao ang Pangulo at ang arsobispo, at sinasabing magkaibiga­n pa.

Ayon kay Roque, parehong palabiro ang dalawa at malaki ang tsansa na sila ay magkasundo. Nangako si PRRD na tatahimik muna sa pagbatikos sa Simbahang Katoliko matapos niyang laitin ang kinikilala­ng Diyos ng mga Katoliko. Dapat daw magkaroon ng “verbal ceasefire” ang gobyerno at grupong relihiyoso habang idinaraos ang dayalogo ng Pangulo at ng arsobispo.

Samakatuwi­d, hindi muna magmumura si Mano Digong at bibirahin ang Simbahan samantalan­g titigil din sa pagbatikos ang mga pari at obispo laban sa administra­syong Duterte. Hintayin at obserbahan natin kung matutupad ito. Sana ay magtagumpa­y ang pag-uusap ng dalawa, alang-alang sa kabutihan ng Pilipinas na ngayon ay sangkaterb­a ang problema.

Samantala, itinanggi ng pamilya ni Mayor Halili na siya ay isang drug lord. “Hindi isang drug lord ang aking ama”, ayon kay Angeline Halili, anak ng alkalde. Ayon sa kanya, ang mga alegasyon na ang mayor ay isang drug lord ay pawang haka-haka at walang ebidensiya. “Si Pangulong Duterte ay binigyan ng maling impormasyo­n tungkol sa umano’y pagkakasan­gkot ng aking ama sa droga,” dagdag pa niya.

Itinanggi ni Harry Roque na sinabi niyang ang Simbahang Katoliko ay nakikipags­abuwatan sa mga komunista upang patalsikin si PRRD. Nilinaw niya na ang pahayag ay tungkol sa posibilida­d na ilang miyembro ng Simbahan ang sumasama sa panawagan na patalsikin ang Pangulo. Bilang tugon, hinamon si Roque ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP’s Commission on the Laity, na tukuyin ng presidenti­al spokesman kung sinu-sino ang mga pari o obispo na kasapakat ng mga komunista.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines