Tumangay sa ipinapasadang taxi, arestado
Arestado ang isang 39-anyos na driver matapos umanong hindi na isauli sa operator ang minamaneho niyang taxi hanggang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.
Sa report ni Chief Insp. Rhoderick Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), kay Senior Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang suspek na si Dexter Hermoso, ng BF Homes, Caloocan City.
Kuwento ni Major Juan, Hulyo 4, 2018 nang nagpunta sa garahe ng taxi sa Barangay Parada, Valenzuela, si Hermoso at kinausap ang operator na si Jose Sta. Maria.
Inarkila umano ni Hermoso ang taxi na “Angel Jose” (TXP959) sa pangakong babayaran ang P900 na arawang boundary nito, at ibabalik ang sasakyan sa umaga ng Hulyo 8.
Gayunman, hindi tumupad si Hermoso kaya tinawagan ni Sta. Maria ang cell phone number niya pero hindi umano siya sumasagot at kalaunan ay pinagpatayan na ng telepono ang biktima.
Dahil dito, hinanap ni Sta. Maria ang suspek hanggang sa may nakapagsabi na huli itong nakita sa Moriones, Tondo.
Kaagad na nakipag-ugnayan sa Anti- Carnapping Unit ng Valenzuela City Police si Sta. Maria, at pasado 8:00 ng gabi nitong Linggo ay inaresto si Hermoso, na kinasuhan ng carnapping.