BONGGO
Ika-63 labas
DAHIL abalang-abala ang lahat ng taong dumalo sa handaang nagaganap sa bahay nila Aling Bening dahil sa binyag ng sanggol na si Filemon, hindi nila nakita at napagtuunan ng pansin ang nilikhang bonggo na nagmamasid mula sa madilim na lugar. At dahil sa masidhing pagnanais makita ang anak, dahan-dahang naglakad ang bonggo palapit sa bahay na kinaroonan ng anak. Hindi tumuloy ang bonggo sa balkon na kinaroonan ng maraming bisita, sa halip tumuloy sa gilid ng dingding ng bahay na kinaroonan ng kuwarto ni Klaret. Dahan-dahan pinaghiwalay ng matipunong kamay ng bonggo ang dingding na kawayan para masilip ang loob kung saan naroon si Klaret at anak na nais makita. Matagal na pinagmasdan ng nilikhang bonggo ang mag-ina bago naglakad palayo sa bahay nila Aling Bening.
Sa paglipas ng araw, nasaksihan nila Mang Dalmacio at Aling Bening ang paglaki ng anak ni Klaret. Hindi nakaligtas sa kanilang paningin ang kakaibang katangian at kakayahan ng apong si Filemon sa ibang mga sanggol. Kaagad nakagawa ang sanggol ng kilos at galaw na hindi nababagay sa edad katulad ng mabilis na paggapang, pagtindig at paglalakad. Mga katakatakang kilos at galaw ng sanggol ngunit hindi pinagtakhan nila Mang Dalmacio at Aling Bening dahil alam nilang namana ng apo ang mga natatanging katangian at kakayahan ng ama. Dahil may diperensya sa pag-iisip si Klaret, hindi napagtuunan ng pansin ang mga kakaibang kakayahan at katangian ng anak dahil nakatuon lang ang isip sa pag-aasikaso. Hindi rin nalihim kina Mang Dalmacio at Aling Bening ang madalas na pagdalaw ng bongo sa anak pagkalat ng dilim sa barangay Bayan-bayan.
“Tiyak, dinalaw na naman ng bonggo ang apo natin, Bening,”wika ni Mang Dalmacio.
“Malamang dahil kumahol ang aso ng saglit at tumigil,” sagot ni Aling Bening. “Hindi na kinakahulan ng todo ng aso ang bonggo dahil kilala na sa madalas na pagdalaw kay Filemon!”
“Parang tao rin pala kung magpahalaga at magmahal ang mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan,” wika ni Mang Dalmacio.
“Tunay na walang pinagkaiba,” sagot ni Aling Bening. “At kung minsan, mas higit pa ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa anak, kaysa sa mga tao!”
“Tama ka, Bening,” sang-ayon ni Mang Dalmacio. “Kaya tiyak, lihim na susubaybayan ng bonggo si Filemon hanggang paglaki. At kung sakaling malalagay siya sa panganib, tiyak na lilitaw at tutulong ang ama niya .”
“Sana nga,” wika ni Aling Bening. “Dahil natitiyak ko, paglaki ni Filemon, tutuksuhin siyang anak ng bonggo dahil sa kulay ng balat niyang napakaitim at walang makikitang ama!”
“Inaasahan ko na ang pangyayaring ‘yan, Bening,” sagot ni Mang Dalmacio. “Matutulad siya kay Erlinda na laging tinutukso ng mga kababata at maging ng iba nating kabarangay!”
Hindi nagkamali ang sinabi ni Mang Dalmacio sa apo, dahil dumanas si Filemon ng madalas na panunukso at kantiyaw sa mga kaklase nang mag-aral sa paaralang elementarya ng Bayan-bayan. Ngunit dahil paulitulit nang sinabi nila Mang Dalmacio at Aling Bening ang magaganap kapag nag-aral, hindi na pinagtakhan ni Filemon ang ginawa ng mga kababata at kaklase. Ngunit hindi kabilang sa mga nangangantiyaw at nanunukso si Mirasol. Hindi naging hadlang kay Mirasol ang napakaitim na kulay ng balat ni Filemon para maging kaibigan. At bilang isang tunay na kaibigan, ipinagtatanggol ni Mirasol si Filemon sa mga kaklaseng patuloy sa panunukso at pangangantiyaw sa anak na bonggo. Galit na galit si Filemon at gusto ng umbagin ang mga kaklase ngunit nagtimpi dahil sa mahigpit na bilin nila Mang Dalmacio at Aling Bening na huwag papatulan ang mga maloloko at pilyong kababata at kaklase. Itutuloy...