Suspek sa Bote slay, dinakma sa CamSur
Naaaresto na ng awtoridad ang umano’y isa sa mga suspek sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote sa Cabanatuan City, nitong nakaraang linggo.
Ito ang kinumpirma ni Bicol regional police director, Chief Supt. Arnel Escobal at sinabing inaresto si Florencio Suarez, 48, sa isang checkpoint sa Andaya Highway, Barangay Kabansag, Del Gallego, Camarines Sur, bandang 9:30 ng umaga.
Inimbitahandinupangmaimbestigahan ang isang pasahero nito sa sinasakyan nilang kotse na si Robert Gumacay, nasa hustong gulang.
"His vehicle (Toyota Avanza) was flagged down by our operatives there based on the early advice of police operatives who are investigating the case of Mayor Bote," ayon kay Escobal.
Aniya, sinusubaybayan na rin ng mga pulis sa Central Luzon ang naturang kotse.
"He is in our custody and will be turned to the proper police unit investigating the case," pahayag ni Escobal.
Nilinaw din niya na wala pang pasabi sa kanya ang mga pulis na may hawak ng kaso kung isasama sa listahan si Gumacay bilang suspek.
Nasamsam sa loob ng kotseng ginamit ni Suarez ang isang cal. 45 pistol na kasalukuyang sinusuri upang madetermina kung ginamit ito sa pagpatay kay Bote.
Kaugnay nito, dinagdagan pa ng League of Municipalities-Nueva Ecija (LMPNE) ng P1 milyon ang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay kay Bote.
Dahil dito, aabot na sa P2 milyon ang kabuuang reward na inilaan para sa ikalulutas ng naturang kaso.
Ayon kay Peñaranda Mayor Ferdinand Abesamis, presidente ng LMP sa lalawigan, napagkasunduan nilang 27 alkalde ng probinsiya na dagdagan ang pabuya, sa pagpupulong nitong Hulyo 10.
"Nagkasundo po kaming mga mayor na mag-contribute bawat isa para sa karagdagang P1 milyon as counterpart of the LMP-NE para higit pong mapabilis ang paghuli sa mga suspek sa pumaslang kay Mayor Bote," ayon kay Abesamis.