Balita

Getaway car sa Lubigan slay, narekober

- Martin A. Sadongdong

Nabawi na kahapon ng pulisya ang umano’y getaway vehicle ng mga suspek sa pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan, kamakailan.

Ayon kay Senior Insp. Rez Alovera, hepe ng Maragondon Municipal Police Station, isang metallic black-dark green na Toyota Hilux ang narekober ng awtoridad sa Mabacao-Pantihan Bridge sa Barangay Tulay B, bandang 6:55 ng umaga.

Aniya, aabot sa 26 na kilometro ang layo nito mula sa pinangyari­han ng krimen.

"Papasok na 'yung estudyante sa eskuwela tapos nakita niya 'yung sasakyan na abandonado kaya tumawag siya ng barangay. Ang barangay naman ang nagreport sa amin," pahayag ni Alovera.

Dagdag pa niya, tagong lugar ang naturang tulay at hindi pangunahin­g lansangan kaya ang mga residente lamang ang dumaraan sa lugar.

"Sementado naman po 'yung daan pero liblib po ito at walang kabahayan," sabi ng opisyal.

Nilinaw din ni Alovera na walang plate number o conduction sticker ang narekober na sasakyan, na dinala sa Maragondon Municipal Police Station upang isailalim sa imbestigas­yon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Makikipag-ugnayan din, aniya, ang Maragondon police sa Highway Patrol Group (HPG) upang matulungan silang matukoy ang pagkakakil­anlan ng may-ari ng sasakyan.

"Kasama din po 'yung lifting ng finger prints at ituturing na crime scene processing pa rin ito para malaman natin kung may naiwang bakas 'yung mga suspek," sabi pa ni Alovera.

Matatandaa­ng tinambanga­n at napatay si Lubigan sa Trece-Indang Road sa Bgy. Luciano, Trece Martires City nitong Hulyo 7.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines