Yap, nanguna sa Singapore Chess League
SINGAPORE - Nakapagtala ang Philippines’ Bulldogs/Psalms 23 ng 3 points kontra sa Grand Asian Chess Challenge (GACC) Dream Team para mapaganda ang kanilang standings sa QCD SG Chess League 2018 na ginanap dito sa Aqueen Hotel sa Paya Lebar, Singapore.
Si Lincoln “Linky” Yap, ang ipinagmamalaki ng Cebu na naglaro sa Board 1, ay naitala ang fourth win matapos talunin si Kwok Foong Lam sa kanilang Sicilian Dragon Skirmish.
“I hope to do well in this event,” sabi ni Lincoln, isang certified International Arbiter at chess instructor. Siya rin ang ama ni International Master ( IM) Kim Steven Yap.
Nagpakitang-gilas din si eighttime World Chess Olympiad member International Master (IM) Rico Yap Mascarinas na tagaCebu rin matapos maikamada ang kanyang third win sa tournament bilang Board 2 player ng padapain si Qing Yang Ng sa isa pang Sicilian defense duel.
Nangibabaw din si Arena Grandmaster (AGM) at Fide (FM) elect Roberto Suelo Jr. matapos pagulungin si Peter Wirija sa Board 3 sa kanilang Caro-Kannn defense tungo sa fourth win sa five outings.
Iniligtas naman ni Nathanael Ong sa possible shut- out loss ang kanyang koponan matapos makaungos kay Xavier Chua sa kanilang French defense clash sa Board 4.
Matapos ang fifth rounds ang Team Philippines ay nasa second place na may 4.0 points, half point sa likod Pawnstars (Singapore) na may 4.5 points.