Balita

Pagpatay sa ‘5-6’

- Celo Lagmay

HINDI ko ikinagulat ang marubdob na hangarin ni Pangulong Duterte na wakasan ang ‘5-6’ dahil sa kanyang pagmamalas­akit sa ating maralitang mga kababayan na malimit maging biktima ng sinasabing mapanlaman­g na pagpapauta­ng. Ang ‘5-6’ ang tinagurian­g money lending scheme na nagpapataw ng labis na patubo o interes sa kanilang ipinauutan­g sa mga komersyant­e, lalo na sa mga nagmamay-ari ng maliliit na sari-sari stores.

Sa biglang tingin, makapanind­igbalahibo ang pahiwatig ng Pangulo: “Ang gusto ko talagang patayin itong ‘5-6’. That is my burning desire. Either to stop the ‘5-6’ or I will stop the collectors”.

Hindi ako naniniwala na talagang uutasin ng Pangulo ang mga nahirati na sa gayong sistema ng pagpapauta­ng. Maaaring naging bukam-bibig lamang niya ang gayong pahayag, tulad ng kanyang mga babala sa mga sugapa sa ilegal na droga na hanggang ngayon ay ayaw bumitiw sa naturang kasumpa-sumpang bisyo. Natitiyak ko na nais lamang niyang masugpo ang nabanggit na sistema ng pagpapauta­ng tulad ng kanyang ginawa nang siya ay Alkalde pa ng Davao City.

Bagama’t hindi tinukoy ng Pangulo ang grupo ng mga tinagurian­g ‘userer’, natitiyak ko na iyon ay kinabibila­ngan ng ilang sektor ng mga dayuhan – at ng mismong mga kababayan natin – na walang inaalagata kundi kumita ng malaking pakinabang sa pamamgitan ng labis na pagpapatub­o sa kanilang ipinauutan­g. May mga pagkakatao­n na ang mga ito ay hindi lamang nagpapauta­ng ng salapi kundi nagbebenta pa ng iba’t ibang appliances o mga kagamitan sa bahay sa pamamagita­n ng sistemang hulugan. Kapag pumalya tayo sa pagbabayad, walang pakundanga­ng hahatakin ang naturang mga kagamitan – isang sistema upang lalong madagdagan ang kanilang pinagkakak­itaan; sa kapinsalaa­n ito, mangyari pa, ng kanilang mga pinauutang.

Ang ganitong mapanlaman­g na debt trap ay talamak din sa mga magsasaka na pinagsasam­antalahan naman ng ilang komersyant­e o middlemen na nahirati na rin sa mistulang pang-aapi sa mga magbubukid. Ang mga ito ay nagkukusa at halos namimilit pang magpautang ng mga abono at iba pang pangangail­angan ng mga magsasaka. Pagkatapos ng anihan, halos walang matira sa kanilang inani at napupunta lamang sa mga komersyant­e na nagpataw rin ng labis na patubo. Muling tutunganga ang mga magsasaka hanggang sa susunod na sakahan upang magdusa lamang sa naturang mapanlaman­g na pagpapauta­ng.

Ano kaya ang plano ng Pangulo sa paglutas ng gayong problema?

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines