Balita

Ika-71 labas

- R.V. VILLANUEVA

SAGLIT

na itinigil ni Mang Dalmacio ang pakikipag-usap sa apo dahil pinagmasda­ng mabuti ang mga talim ng salapang na nililinis ang kalawang at pinatutuli­s ang talim. Napangiti siya ng makitang hindi man natanggal ang lahat, ay nabawasan naman ang kalawang. Dahil hindi nasiyahan si Mang Dalmacio sa pagmamasid sa salapang na gagamitin niya sa panghuhuli ng isda at hipon sa pangingila­w, dumako ang isang daliri sa dulo ng limang talim. At muling napangiti ng makitang matulis na ang gagamitin. Samantala, dahil natapos ng linisin ni Filemon ang buslo na gagamiting sisidlan ng mga mahuhuling isda at hipon, napagtuuna­n naman niya ng pansin ang salapang na hawak at pinagmamas­dan ng kaniyang Lolo Dalmacio.

“Lolo Dalmacio, madali lang bang gamitin sa panghuhuli ng isda at hipon ang salapang?” Tanong ni Filemon.

“Madali lang, apo,” sagot ni Mang Dalmacio. “Iuumang mo lang at itutulak ng paigkas, tuhog ang huhulihin mong isda at hipon”

“Ibig ho ninyong sabihin, hindi na aasintahin?” Tanong uli ni Filemon na nanatiling nakatingin sa salapang.

“Sa bagong gagamit ng salapang kailangan gawin ang paraang ‘yun,” sagot ni Mang Dalmacio. “Ngunit sa tulad kong bumilang nang maraming taon sa paggamit ng salapang, hindi na kailangan”

“Bakit ho?” Muli, interesado­ng tanong ni Filemon.

“Kabisadong-kabisado ko na ang paggamit ng salapang,” sagot ni Mang Dalmacio. “Sa pag-umang ko pa lang ng talim, alam ko kung matutuhog ang hipon o isda kaya hindi na kailangang asintahin nang matagal!”

“Ang galing po ninyo, Lolo Dalmacio,” wika ni Filemon na bakas sa boses ang malaking paghanga. “Pero sa tingin ko, kapag lagi na akong gumagamit ng salapang, magagawa ko rin ang ginagawa ninyo!”

“Tiyak na tiyak, apo,” sagot ni Mang Dalmacio. “Ako noong bago pa lang humahawak ng salapang, matagal kong inaasinta ang huhulihing isda kaya madalas nakakalang­oy palayo!”

Dahil nalibang nang husto sa paguusap sa gagawin pamamalaka­ya, hindi namalayan nila Mang Dalmacio at Filemon na kumakalat na ang dilim sa paligid. Ngunit kahit abalang-abala sa pagluluto ng hapunan si Aling Bening, napagtuuna­n ng pansin ang nagaganap kaya inabot ang gasera sasabitan para pailawin. Dahil nagtitipid sa palito ng posporo, kumuha siya ng kahoy na gatong sa ilalim ng dapugan at pinilas ang isang maliit na piraso. Matapos hipan ang magkakaugp­ong na gatong, inilapit ni Aling Bening sa lumitaw na apoy ang munting piraso ng kahoy para pakapitan ng apoy. Dahil tuyong-tuyo ang maliit na pirasong kahoy, dagling nagliyab ng madikit sa apoy sa dulo ng mga magkakaugp­ong na kahoy na gatong. Walang sinayang na sandali si Aling Bening, mabilis niyang inilapit ang nagliliyab na kahoy sa mitsa ng gasera na dahil babad sa likidong petrolyo, agad nagliyab.Nang maisabit ang gasera, lumabas si Aling Bening sa balkon ng bahay na kinaroonan nila Mang Dalmacio at Filemon.

“Pasok na kayo, maghahain na ako para makakain na tayo bago dumilim,” wika ni Aling Bening.

“Maaga pa, Bening,” sagot ni Mang Dalmacio. “Magugutom kami ni Filemon kapag kumain ng maagang hapunan!”

“Kailangang kumain na tayo bago maglitawan ang mga gamu-gamong sasabo sa gasera,” wika ni Aling Bening. “Matatapos na ang tag-araw kaya lilitaw na ang mga insektong ’yun!”

“Tama ka,” sagot ni Mang Dalmacio. “Sige, maghain ka na at Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines