Balita

2 big-time marijuana ‘dealer’, dinakma

- Mary Ann Santiago

Arestado ang dalawang umano’y big-time na supplier at dealer ng marijuana, makaraang mabuking ang umano’y ilegal na aktibidad ng mga ito kasunod ng pagba-viral sa social media ng litrato ng pagbebenta at lantarang paggamit ng marijuana ng isang grupo ng menor de edad sa Pasig City.

Kinilala ni Eastern Police District ( EPD) Director Senior Supt. Joel Bernabe Balba ang mga naaresto na sina Patrick John Magalona, 20, ng Barangay Pinagbuhat­an, Pasig, at sinasabing supplier ng marijuana; at Anselle Rivera, 25, ng Bgy. Palatiw, Pasig, na umano’y big- time dealer ng high-grade marijuana, na nanggaling pa sa Mountain Province.

Batay sa ulat ng EPD, nabatid na nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek sa nag-viral sa Facebook na larawan ng isang menor de edad na lantarang nagbebenta ng marijuana, habang may grupo rin ng kabataan na walang takot na humihitit nito sa Pasig.

Ang nasabing litrato ay ipinost ng isang concerned citizen sa Facebook page ng EPD (EPD Ang Pamamarisa­n), kaya kaagad na inaksiyuna­n ng mga tauhan ng District Intelligen­ce Unit (DIU) at Special Operations Unit (DSOU), na pinamumunu­an ni Supt. Hendrix Mangaldan.

Nagsagawa ng puspusang cyber patrolling at operationa­l research ang mga operatiba ng DIU, sa pangunguna ni deputy Chief Insp. Abraham Satorre, na nagresulta sa pagkakaare­sto kay Magalona dakong 3:30 ng hapon sa buy-bust operation sa bahay nito.

Nakumpiska umano mula kay Magalona ang aabot sa P60,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Sumunod na naaresto si Rivera, dakong 4:00 ng hapon, sa buy-bust operation sa bahay nito, kung saan nasamsam umano ang nasa limang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana, na nagkakahal­aga ng P500,000.

Kapwa nakakulong na ang mga suspek, na kakasuhan sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehens­ive Dangerous Drugs Act (RA 9165).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines