One strike policy laban sa mga adik sa gobyerno!
ITOang masasabi kong kamay na bakal laban sa mga pasaway na empleyado ng gobyerno na gustong tumikim ng panandaliang “aliw” na naibibigay ng mga ipinagbabawal na droga – sa unang pagkakataon pa lang na mahuli, may kaso agad at sibak pa sa serbisyo.
Sa kabila ng mga bulong ng pagtutol ng ilang grupo sa ating lipunan, mariin ang paninindigan ni Department of Justice (DoJ) secretary Menardo Guevarra na suportahan ang Dangerous Drug Board (DDB) sa isinusulong na panukalang ito: “I agree that a government official or employee found positive for illegal drugs use should be dismissed. The government’s campaign against illegal drugs should include, first and foremost, its own ranks.”
Napagtalunan ang isyung ito dahil sa resolusyong nauna nang ipinalabas ng Civil Service Commission (CSC) na dapat lang na gamutin at i-rehabilitate ang mga empleyado sa gobyerno na magiging positibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Bigla itong nagkaroon ng “twist” nang magkasunod at kapwa sinusugan ng DDB at CSC ang panukalang dapat magkaroon ng “one strike” policy sa mga enforcement agency ng pamahalaan – gaya ng pulis, militar at maging mga civilian agent ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Dito hindi kumatig si Secretary Guevarra at sa halip, ay pinanindigan niyang lahat ng nasa gobyerno ay sibakin agad matapos kasuhan kapag pumasok sa pagbibisyo ng droga.
Sang-ayon ako kay DoJ secretary na lahat dapat saklaw ng “one strike” policy, ngunit dapat ay alamin muna kung ang pagkakalulong ng isang alagad ng batas sa droga ay dahil sa kagustuhan niyang malutas ang trabahong iniatang sa kanya ng ahensiyang pinapasukan niya. Hindi dahil gusto niya ang bisyong ito kundi kailangan niyang “tumikim” upang maging epektibo sa kanyang trabaho bilang isang “penetrating agent” ng pamahalaan.
Alam ko ito. Nakita ko ito kung papaanong naging matagumpay ang ilang ahente ng pamahalaan laban sa mga sindikato ng droga noong huling bahagi ng dekada 80, na ang naging kapalit naman ay ang pagiging adik nila. At ang masama rito, sa halip na tulungan na makabangon ang mga ito sa pagkakalugmok sa pusalian ng bisyong droga, sila ang nakasuhan – sa pagkakaalam ko ay sa manipulasyon na rin ng sindikatong kanilang binuwag – at tuluyang natanggal sa serbisyo at walang benipisyong nakuha, ni baryang piso, dahil adik nga sila!
Hindi ko na iisa-isahin ang mga operatibang ito na nasira ang buhay, at pamilya, pati na ang kanilang pinakamamahal na propesyon bilang mga alagad ng batas, upang magtagumpay ang pamahalaang kanilang pinaglilingkuran sa paglaban sa mga sindikato ng droga na namayagpag noong dekada 80 hanggang 90.
Kulang ang espayo ko para ikuwento at papurihan ang kanilang mga exploit, na alam na alam ko dahil nasundan ko ang kanilang career bilang isang reporter na halos buong araw ay nakababad sa Camp Crame at nagbabantay sa resulta ng kanilang mga operasyon laban sa iba’t ibang “criminal syndicate” at kasama na rito ang mga sindikato ng droga.
Hindi masamang gumamit ng kamay na bakal laban sa mga tauhan ng gobyernong pumapasok sa bisyong ito --- kaya lang dapat lakihan natin ang “puso at pang-unawa” para sa mga tauhang kinakailangan itong pasukin upang maging matagumpay ang paglaban ng pamahalaan sa patuloy na pamamayagpag ng mga sindikato ng ilegal na droga sa ating bansa.
Kaya lang ang malaking tanong ko: “Meron pa bang pulis ngayon na katulad ng mga operatibang nai-kuwento ko? Parang wala na. Naubos na yata ang kanilang lahi, dahil sa kawalan ng pagpapahalaga ng institusyong kanilang pinagsilbihan!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag- email sa: daveridiano@yahoo.com.