Balita

Patay sa kalamidad, 28 na

- Nina AARON RECUENCO at FER TABOY

Nasa 28 katao ang nasawi, karamihan ay dahil sa pagkalunod, kasunod ng malawakang pagbabaha sa Metro Manila at sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas, dulot ng magkakasun­od na bagyo na nagpaigtin­g sa habagat.

Ang huling iniulat ang pagkasawi ay nagmula sa Sablayan, Occidental Mindoro, kung saan nadulas at nalunod sa Pandurucan River sa Barangay Pagasa si Pinoy Edes, tatlong taong gulang, mula sa tribung Alngan, bandang 5:00 ng hapon nitong Lunes.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)4B director Chief Supt. Emmanuel Luis Licup na isa si Edes sa anim na nasawi sa kalamidad sa Mimaropa.

Tatlong iba pa, ayon kay Licup, ang namatay sa landslide at natamaan ng nabuhal na puno sa Sablayan, habang dalawa ang nalunod sa Mansalay, Oriental Mindoro.

Lima naman ang nasawi sa Bataan at kinilala sila ng pulisya na ang magtiyuhin­g sina Raymund Rapsing, 13; at Ronnel Aniban, 27, ng Barangay Cataning, Balanga City; at sina Philip Cordova, ng Bgy. Cupang; Gary Cabiling; at Elisse Nicole Mendoza.

Isa naman ang namatay sa Olongapo City, Zambales matapos na maipit sa gumuhong pader, habang patay din ang isang lalaki sa Licab, Nueva Ecija, makaraang matuklaw ng ahas na nakapasok sa bahay nito nang bahain sila.

Sa Batangas, nasawi rin ang isang mangingisd­a makaraang malunod nang paghahampa­sin ng alon, habang dalawa pa ang nasawi sa Rizal.

Sa Agoo, La Union, dalawang bata ang nasawi sa landslides, habang tatlo ang nalunod sa Benguet at Ifugao.

Sa Iloilo, isang magkapatid din ang namatay, habang isa pa ang nalunod sa Guimbal, Iloilo.

Isa pa ang namatay sa landslide sa Bontoc, Mt. Province, dalawa ang nalunod sa Negros Oriental, habang nalunod din ang isa pa sa Caloocan City.

Nagdulot ng isang buong linggong pag-uulan ang magkakasun­od na bagyong ‘Henry’, ‘Inday’, at ‘Josie’ na nagpaigtin­g pa sa habagat.

Daan-daang libong pamilya na ang lumikas dahil sa malawakang baha, habang marami na ring bayan at lalawigan ang nagdeklara ng state of calamity.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines