Balita

Preno muna sa TRAIN 2—senators

- Vanne Elaine P. Terrazola

Hindi kumporme ang ilang senador sa pagpapatib­ay sa ikalawang bahagi ng tax reform program ni Pangulong Duterte.

Sa kanyang ikatlong State-of-the-Nation Address (SONA) nitong Lunes, hiniling niya sa Senado na gumawa ng bersiyon nito sa Package 2 ng kanyang five-tranche comprehens­ive tax reform program.

Umapela ang Presidente sa Mataas na Kapulungan na huwagh balewalain ang nasabing panukala, na plano niyang lagdaan bago matapos ang 2018.

Gayunman, naniniwala si Senator Grace Poe na mahalagang pag-aralan munang mabuti ang nasabing panukala dahil maaari nitong palalain pa ang inflation rate, na lumobo na ngayon kaugnay ng pagpapatup­ad ng Tax Reform for Accelerati­on and Inclusion (TRAIN) Act.

“Gusto niyang ipasa ‘yong second TRAIN law, but pag-aralang mabuti kasi kahit papaano, nakakadagd­ag nga ito sa taas ng presyo ng bilihin,” sinabi ni Poe sa mga mamamahaya­g pagkatapos ng SONA.

“Dapat ito ay magbibigay sa diskuwento sa taxes ng korporasyo­n. Maaaring makatulong iyon para magkaroon ng investment­s pero saan tayo babawi ng sources of revenue? So baka mamaya mayroong mga ibang hidden taxes na hindi natin alam na pampabigat rin sa taumbayan,” aniya pa.

Hinimok ni Poe ang mga kapwa niya mambabatas na busisiing mabuti ang panukalang TRAIN 2 bago ito aprubahan.

Sinegundah­an naman si Poe ni Sen. Cynthia Villar.

“Depende kung anong laman (TRAIN 2 bill). I’m not familiar with the contents of the Package 2. Alam ko ibaba ang corporate tax pero anong kapalit? Magbabawas ng incentives? Depende kung anong industry ang babawasan ng incentive,” sabi ni Villar.

Hinikayat din ni Sen. Riza Hontiveros ang gobyerno na maghinay-hinay sa tax reform program nito.

“Medyo magpreno-preno muna sila, magmenor sa paglatag ng TRAIN 2 dahil there may be even reasons na i-suspend muna ‘yong second round of excise tax increases sa ilalim ng TRAIN 1,” ani Hontiveros.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines