Gawing matayog ang pangarap
(Huling bahagi)
ITO ang huling bahagi ng Commencement Speech na inilahad ko sa 2018 graduates ng University of the Philippines Visayas nitong Hunyo 22, sa Miagao, Iloilo. Ang aking graduation. Nasa limang taon na ang nakalipas nang magkaroon ako ng sarili kong “graduation”. Matapos ang 21 taon sa serbisyo publiko, tinalikuran ko ang pulitika noong 2013 at nagbalik sa aking unang pagibig: Ang pagiging negosyante.
Sa pagbabalik ng estado ko bilang isang karaniwang mamamayan, muling nahulog ang loob ko sa pagnenegosyo. Para bang reunion na labis kong kinasasabikan. Pakiramdam ko ay bagito akong muli. Na para bang unang araw ko sa trabaho. Napatunayan kong totoo ang kasabihang “love is sweeter the second time around.”
Sa pagbabalik ko sa mundo ng negosyo, kaagad na nag-iba ang pananaw ko sa buhay. Paborito kong ikumpara ito sa panonood ng telebisyon. Noong nasa pulitika pa ako, ang pananaw ko sa buhay ay monochromatic, dadalawa lang ang kulay, itim at puti, at minsan ay may kalabuan. Bilang negosyante, ang mundo para sa akin ay may super high color definition!
Sinimulan kong pag-aralang muli ang mga bagay-bagay tungkol sa aming negosyo, dahil totoo namang matagal din akong nawala. Hindi nagtagal at nasumpungan ko kaagad ang isang bagong hamon, bagong oportunidad—ang retailing at pagtatayo ng mga mall. Naiimagine n’yo ba na ang isang retiradong pulitiko ay nagbebenta ngayon ng kape, mga gamit sa bahay, at baked goods?
Nang ilahad ko ang ideyang ito, maraming taga- Vista Land ang kumontra. Sabi nila, “Sir, parang ‘ di uubra ito. Masyado na silang marami sa larangang ‘ yan. Mahihirapan tayong makipagkumpetensiya.” Sa isang tingin, para ngang corporate suicide ang pagsabak sa retail at malls, na marami nang kumpetensiya.
May duda ang ilan. Pero hindi ko kailanman pinagdudahan ang aking sarili.
Kung may isang aral na nais kong ituro sa inyo sa pagsisimula ninyo ngayon ng sarili ninyong paglalakbay sa buhay, ito ay ang pagharap sa bawat paghamon at ang pagbubura sa inyong DNA ng ideya ng pagsuko.
Ito ang inspirasyon ko sa pagpupursige. Madali na lang para sa akin ang pagreretiro at gawin ang mga karaniwang ginagawa ng mga retirado, subalit hindi ako pinatahimik ng bagong paghamon na ito. Umaalis ako sa bahay ng 5:00 ng umaga upang pumasok sa trabaho. Ang pagnenegosyo ay isang trabahong 24-oras. Kahit Linggo, sasaglit ako sa gym, magaalmusal, at sisimulan na ang aking mga meeting sa araw na iyon.
Naniniwala ako sapul na ang pagnenegosyo ang susi sa personal at pambansang kaunlaran. Sa kabila ng maraming kuwento ng pagtatagumpay, ang ating lipunan ay patuloy na hinuhubog at sinasanay ang ating kabataan upang maging mga empleyado balang araw. Kailangan nating baguhin ang konsepto ng mamamayan, partikular ng kabataan, ng paglikha ng pagmumulan ng pagkakakitaan at sariling kaunlaran.
Hindi ito tungkol sa pagtatrabaho sa malalaking kumpanya, nakasuot ng coat and tie o kaya naman ay nagagandahang corporate attire, may magandang mesa, at kayang makabili ng pinakamahal na smartphone kapag natanggap na ang bonus. Hindi ‘yon matatawag na tagumpay.
Ang tagumpay ay ang pagbubuo ng kapaki-pakinabang na bagay mula sa iyong dugo’t pawis. Kapag nakapagtatag ka ng magbibigay sa iyo ng tuluytuloy na kita, magkakaloob ng trabaho sa maraming tao, at makatutulong sa pagpapaunlad sa ating bansa. Tuwing nakikita ko kung paanong pinagyaman ng isang pamilya ang bahay na binili nila sa amin, o namamasdan ko silang ninanamnam ang hinihigop nilang kape, nakararamdam ako ng sense of fulfillment. ‘Yan ang tagumpay. ‘Yan ang pangarap ng bawat Pilipino.
Sa pagtatapos ng aking talumpati, hayaan n’yong ulitin ko ang itinuturing ko na mahalagang aral sa aking buhay, na sana ay makatulong din sa inyo: Hindi masusukat ng kasalukuyang sitwasyon ng tao kung ano ang posibleng mangyari sa hinaharap.
Sa madaling salita, kung ano man ang kalagayan n’yo ngayon, anuman ang mga problema at paghamon na hinaharap ninyo ngayon, hindi ito ang sukatan ng kaya ninyong marating. Hinubog ng mga kaugalian at prinsipyong natutuhan ninyo mula sa inyong mga magulang na pinanday sa paaralan, kaya ninyong pagibayuhin ang inyong mga buhay. At gaya ng itinuro sa atin ng UP, siguruhin din natin na maiaangat din natin ang kalagayan ng ating mga kapitbahay, at ng ating mga komunidad.