Balita

Ika-77 labas BONGGO

- R.V. VILLANUEVA

DAHIL walang namamahay na pangamba at takot sa isip nila Mang Dalmacio at Filemon sa mga nilikha mula sa daigdig ng kababalagh­ang pinaniniwa­laang gumagala sa barangay Bayan-bayan, tuloy-tuloy lang sila sa pagtahak ng daan pabalik sa kanilang bahay. At kahit paminsan-minsang naririnig ang bahaw ng huni ng panggabing ibon na, tuloy lang sila sa paglalakad sa tulong ng liwanag ng lampa na hawak ni Mang Dalmacio. Nang makarating sa kanilang bahay, kaagad nagtuloy ang maglolo sa kusina at itinaktak ang mga nahuling hipon at isda sa palanggana. Dahil nananatili­ng gising at naghihinta­y sa pagdating nila Mang Dalmacio at Filemon, mabilis na pumunta sa kusina sila Aling Bening at Klaret na parehong nagulat sa maraming isda at hipon na nasa palanggana.

“Hindi kaya dinadaya ang paningin namin ni Erlinda sa nakikita namin?” Tanong ni Aling Bening na tulad ng anak na may diperensya sa pag-iisip, nakatutok ang paningin sa mga isda at hipong nasa palanggana.

“Hindi po, Lola Bening,” sagot ni Filemon. “Totoong mga isda at hipon ang nasa palanggana na nahuli namin ni Lolo Dalmacio!”

“Ang dami ninyong nahuli,” tuwangtuwa­ng wika ni Klaret.

“Talagang marami ‘yan, Inay,” sagot ni Filemon. “Kaya tiyak na mabubusog kayo ng husto dahil makakain na naman kayo ng paborito ninyong ulam!”

“Magsaing ka uli, Inay,” wika ni Klaret. “Kakain uli ako ng hapunan, ibig kong magulam ng inihaw na isdang tilapia!”

“Hindi na tayo magsasaing, anak,” sagot ni Aling Bening. “Marami ang sinaing ko kanina, kaya ipag-iihaw na lang kita ng isdang tilapia!”

“Inay, ‘yung pinamalaki­ng tilapia ang ihawin mo,” wika ni Klaret. “Gusto kong makakain ng marami ng paborito kong ulam!”

“Ibig kong malaman ninyong marami sa hipon na ‘yan at isda, nahuli ni Filemon,” wika ni Mang Dalmacio.

“Anak, totoo ba ang sinabi ni itay?” Tanong ni Klaret sa anak.

“Totoo po, inay,” sagot ni Filemon. “Umulan sa bandang ilaya ng sapang Matanlang kaya lumabo ang tubig. At dahil hindi makita ni Lolo Dalmacio ang hipon at isda, ako ang nangilaw!”

“Ang galing, ang husay ng anak ko,” tuwang-tuwang wika ni Klaret na itinaas ang kamay ng anak. “Siguro, mula ngayon, ikaw na ang mamalakaya, hindi na si itay!”

“Ganoon nga po, inay,” sagot ni Filemon. “Kawawa si Lolo Dalmacio kung siya pa ang mamamalaka­ya dahil bukod sa malabo ang mata, sumasakit ang mga binti dahil sa rayuma!”

Dahil sa gagawing pagiihaw ng malaking isdang tilapia para sa anak na may diperensya sa pag-iisip, hindi ang mga kahoy na gatong ang iginatong ni Aling Bening sa pinadikit na apoy sa dapugan. Ginamit niya ang bao para kapag nauling, mas matagal maabo keysa sa uling ng kahoy. Matapos pag-apuyin ang mga baong iginatong, inutusan ni Aling Bening si Klaret na bantayan ang apoy para magtuloy-tuloy ang paglagabla­b upang maging uling agad. Dahil simpleng trabaho, kahit may diperensya sa pag-iisip si Klaret, mabilis na lumapit sa dapugan para sundin ang utos ng ina. Mabilis namang lumapit si Aling Bening sa palanggana­ng pinaglagya­n ni Mang Dalmacio ng huli sa pamamalaka­ya at dinampot ang pinakamala­king isdang tilapia. Matapos ipakita kay Klaret at sang-ayunan ng anak ang isdang iihawin, pumunta sa banggeraha­n si Aling Bening at inalis ang lamang-loob ng tilapia at dahil iihawin, hindi niya inalisan ng kaliskis.

“Mataba ang isdang ito,” wika ni Aling Bening. “Anak, gusto mo bang lagyan ng mga sangkap ang tiyan ng tilapia bago ihawin?”

“Sige, inay,” sagot ni Klaret. “At ang gusto kong ilagay ninyo sa tiyan ng tilapia, kamatis, sibuyas, bawang, at iba pang sangkap!”

“Akong bahala, anak,” wika ni Aling Bening. “Pasasarapi­n ko nang husto ang iihawin kong isda para sa iyo para marami kang makain!”

“Salamat, inay,” tuwang-tuwang sagot ni Klaret. “At para litaw na litaw ang sarap, isasawsaw ko sa toyong may kalamansi at sili!” Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines