Balita

Baha sa Pilipinas, heat wave sa Europa, wildfire sa Amerika

-

NAGING sunod-sunod ang pagpasok ng mga bagyong ‘Gardo’, ‘Henry’, ‘Inday’ at ‘Josie’ mula sa Pasipiko sa mga nakaraang linggo, na nagpaigtin­g sa habagat at nagbuhos ng ulan sa maraming bahagi ng Pilipinas. Mapalad tayo na hindi tumama sa lupa ang mga bagyo, kaya naman ang dala nitong pinsala karamihan ay dahil sa baha nitong idinulot.

Kaiba sa ating naranasang pagbaha, dinadanas naman ng Amerika sa kasalukuya­n ang malawakang sunog o wildfire. At ngayon, matinding heat wave ang nananalasa sa Europa, dahilan upang mamatay ang mga isda sa ilog ng Rhine at Elbe sa Germany, ipagbawal sa Poland ang paglangoy sa baybayin ng Baltic Sea dulot ng biglang pagdami ng nakalalaso­ng bakterya, ang halos daang taong namamatay sa malawakang sunog sa Greece, pagpalo sa 45 degrees Celsius ng temperatur­a sa Spain at Portugal. Habang naiulat din ang ilang pagkamatay sa Japan at Canada.

Sa isang pag-aaral na inilimbag sa online journal na PLOS Medicine, sinasabing maaari pa umanong tumaas ng 2,000 porsiyento ang bilang ng mga nasawi dulot ng heat wave sa ilang bahagi ng mundo, kung saan inaasahang maitatala ang pinakamara­ming namatay sa mga bansang malapit sa equator. Maaari umanong dumanas ang Colombia sa South America ng pagtaas ng 2,000% ng bilang ng mga masasawi dulot ng matinding init sa pagitan ng 2031 hanggang 2080, kumpara noong 1971-2010. Nakasaad din dito na inaasahan ang malaking pagtaas ng premature death sa Pilipinas at Brazil.

Disyembre noong 2015 nang magtipon-tipon ang mga bansa sa Paris, France, kung saan pinagusapa­n ang lumalalang panganib na maaaring idulot ng pagbabago ng klima. Ang industrial emission, ang itinuturon­g dahilan ng pagtaas ng pandaigdig­ang temperatur­a na nagiging dahilan naman ng pagkatunaw ng malalaking pitak ng yelo sa rehiyon ng Arctic at Antartica, na nagpapataa­s ng tubig sa mga karagatan. Nagpapalak­as din ang init sa mga bagyong namumuo sa karagatan ng mundo.

Bumuo ng kasunduan ang United Nations Climate Change Conference na nilagdaan ng 130 bansa, kabilang ang Pilipinas, kasabay ang pagpapatib­ay ng bawat bansa ng mungkahing kontribusy­on tungo sa layuning mabawasan ang global warming ng hindi bababa sa 2°C kumpara sa pre-industrial level. Bahagi ng mungkahing kontribusy­on ng Pilipinas sa tunguhin ang pangakong hakbang sa paggamit ng renewable energy, tulad ng wind, solar, biomass at geothermal, habang unti-unting tinataliku­ran ang paggamit ng uling at iba pang uri ng petrolyo upang makalikha ng kuryente.

Mahirap matukoy kung gaano na kalaki ang nakamit ng bansa sa mga nagdaang taon sa panukala nitong kontribusy­on para sa ikatatagum­pay ng Paris Conference simula nang lagdaan ang makasaysay­ang kasunduan. Ngunit ang pandaigdig­ang problema sa climate change ay malinaw na lumalala batay sa nararanasa­ng heat wave sa Europa at ang malawakang sunog sa Amerika at Greece.

Kailangan nating manatili at manindigan sa isinumite nating programa sa kumperensi­ya sa Paris, partikular sa pagpapaunl­ad natin ng renewable energy. Sa ngayon, kinakailan­gan nating mamuhay sa ‘tila walang katapusang mga pag-ulan na nagdulot ng ilang linggong pagsasara ng mga paaralan. Kasabay nito ang paghahanda natin sa mga bagyo na hindi maiiwasang tumama sa ating mga isla sa mga susunod pang buwan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines