Balita

Patay sa Tondo fire, 6 na

- Mary Ann Santiago

Anim na ang patay sa sunog na sumiklab sa isang residentia­l area sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Manila chief arson investigat­or,FireSenior­Insp.Redentor Alumno ang lima sa mga nasawi na sina Anabel Ygonia; anak niyang sina Isabel, 8; at Bryan, 7; kanyang live-in partner na si Jojo Castigador, 40; at Juliana Bermudo, 13-anyos. Habang isang batang babae ang hindi pa tukoy ang pagkakakil­anlan.

Naisugod pa sa ospital si Anabel ngunit dead on arrival, habang si Castigador ay nasawi habang nilalapata­n ng lunas.

Agad namang namatay ang apat na bata, na halos hindi makilala sa tindi ng tinamong sunog sa katawan, sa pinangyari­han ng insidente.

Samantala, sugatan at napilayan sa sunog si Manuel Bermudo, 17, kapatid ni Juliana, nang tumalon mula sa nasusunog nilang tahanan.

Ayon kay Fire Insp. Gaudencio Magallanes, nagsilbing ground commander, pasado 1:30 ng hapon nagsimula ang sunog sa isang bahay, na pagma-may-ari umano ng pamilya Antoque, sa 78 C.P. Garcia Street sa Tondo, malapit sa kanto ng Sampaloc St., na sakop ng Barangay 118.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, ngunit dahil dikit-dikit at malakas ang hangin ay umabot sa 15 bahay ang naabo at tinatayang nasa 25 pamilya o mahigit 80 indibiduwa­l ang naapektuha­n.

Sa ganap na 3:04 ng hapon nang ideklarang under control ang apoy, at tuluyang naapula pagsapit ng 4:02 ng hapon.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog at mahigit P100,000 ang naabong ari-arian.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines