Ika-99 labas
AT minsan pa, inulit ni Kumander Zander ang babala sa lalaking biglang dumating at nakipaglaban sa kanila. Ngunit kahit malinaw na narinig ang babala ng pinuno ng tulisan, nagpatuloy sa paglapit ang nilikhang bonggo na walang anumang takot at pangambang mababakas sa mukha sa sandatang hawak ng kalaban. At sa pagnanais na mapatay ang kalabang biglang dumating sa yungib ng Kulitog, mabilis na inihagis ni Kumander Zander ang granada sa nilikhang bonggo na nagpatuloy sa paglapit sa kaniya. Ngunit muling ginamit nito ang pambihira niyang bilis kaya nasalo ang granada at saka mabilis na inihagis sa labas ng yungib kung saan ito sumabog.
“Hindi na ako lalaban, suko na ako,” wika ni Kumander Zander. “Maawa ka sa akin, huwag mo akong patayin.”
Dahil nakita ni Filemon na nagapi ng nilikhang bonggo ang mga kalaban, mabilis siyang pumunta sa kinaroonan ng mga ninakaw na hayop at kinuha ang mga tali. Matapos makuha ang mga tali, inutusan niyang humilera ang mga tulisan at dahil sa takot na patayin ni Filemon at ng bonggo, sumunod sila Katoy, Kandong at iba pang tulisan kabilang si Kumander Zander. At para matiyak na hindi makakatakas ang mga tulisan, isa-isang tinalian ni Filemon at pinagkabit-kabit. Dahil sa putukan at pagsabog, mabilis na naghanda ang mga tao at mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa yungib ng Kulitog para pumunta sa pinagmumulan ng ingay. Dahil nais ni Filemon na malaman ang katotohanan sa mga pangyayaring gumugulo sa isip simula sa kamusmusan, nilapitan ang lalaking sa taglay na pambihirang tibay ng katawan, lakas, bilis at balat na ‘sing-itim ng uling, natiyak niyang ang nilikhang bonggo na nakatira sa bung-aw malapit sa kanilang bahay.
“Gusto ko po kayong makausap,” wika ni Filemon. “Ibig kong magkaroon ng sagot ang mga tanong na gumugulo sa isip ko simula sa kamusmusan.”
“Sige, gawin mo ang gusto mo, Filemon,” sagot ng lalaki. “Ito ang tamang panahon para malaman mo ang katotohanan sa iyong pagkatao.”
“Kayo po ba ang aking ama?” Tanong ni Filemon.
“Tama ka, ako ang iyong ama, kabilang ako sa mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang tinatawag na bonggo,” sagot ng lalaki.
“Ama, maraming salamat at nalaman ko ang katotohanan sa aking pagkatao,” umiiyak ngunit tuwang-tuwang wika ni Filemon na mahigpit na niyakap ang nilikhang bonggo. “Mahal na mahal ko kayo kahit hindi kayo pangkaraniwang nilalang.”
“Mahal na mahal din kita, anak,” sagot ng nilikhang bonggo na niyakap din ang anak.
Matapos ang saglit na paguusap, nagpaalam na ang nilikhang bonggo kay Filemon para gamitin ang kapangyarihang tagabulag upang hindi makita ng mga tao. At dahan-dahang naglaho ang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan ng gamitin ang kapangyarihang na hindi nagdulot ng kalungkutan kay Filemon dahil alam na nasa paligid ang ama at handang lumitaw kapag hiningi ng pagkakataon. Samantala, patuloy sa paglalakad ang mga tao at mga opisyal ng barangay patungo sa yungib ng Kulitog na tiyak nilang lugar na pinagmulan ng putukan at pagsabog. At dahil malapit ang yungib sa sentro ng barangay, narating kaagad ng mga tao at mga opisyal ang lugar. Bagamat labis na nagulat ang lahat nakadama sila ng malaking tuwa at saya dahil nahuli na ang mga salarin sa mga nawawalang alagang hayop sa kanilang barangay.
Tatapusin...