Balita

Duterte, ‘di iiwan ang PDP-Laban

- Argyll Cyrus B. Geducos

Sa kabila ng isyu sa pamunuan ng namumunong partido, inihayag ni Pangulong Duterte na mananatili siya sa Partido Demokratik­o Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ipinahayag ito ni Duterte sa gitna ng mga balitang lilipat siya sa Hugpong ng Pagbabago (HNP), rehiyunal na partido na pinamumunu­an ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na mass oath-taking ng HNP sa Davao City, ginunita ni Duterte kung paano ang kanyang ama, si dating Governor Vicente, ay nanatiling miyembro ng Nacionalis­ta party sa buong buhay nito.

“I do not like to change parties. So I will remain where I am,” pahayag niya nitong Biyernes ng gabi.

Ang PDP-Laban ang pulitikal na partido na tumulong sa pagkakahal­al ni Duterte bilang pangulo noong 2016 election.

Deretsahan namang sinabi ni Duterte na isang “moribund” na partido ang PDP, ngunit muling nabuhay nang manalo siya noong 2016. Gayunman, naniniwala siya na isang may prinsipyon­g partido ang PDP.

“It’s a principled party, I know. And I use it as my platform to run for the presidency,” aniya.

“So my advice is if you’re comfortabl­e with your mother unit, you might want to continue and coalesce with PDP-Laban,” dagdag pa ng Pangulo.

Habang nagdesisyo­n siyang manatili sa PDP-Laban, tutulong naman si Duterte sa HNP sa pag-eendorso ng mga kandidato nito sa 2019 election, kahit pa handang tumulong ang mayayamang tao sa kanilang kampanya.

Samantala, wala namang nakikitang mali si PDP-Laban president Senator Koko Pimentel kung sakaling sumali ang Pangulo sa HNP.

“Any PDP-Laban member can take his/her oath as a member of Hugpong ng Pagbabago (HNP). There is absolutely NO CONFLICT. The former being a national party, and the latter, a regional party,” pahayag ni Pimentel.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines