Pagpupugay sa kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon
SA kalendaryo ng talambuhay ng mga naging Pangulo ng Pilipinas ay isang mahalagang araw ang ika-19 ng Agosto sapagkat sa araw na ito ginugunita at ipinagdiriwang ang kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon---ang kinikilalang Ama ng Kalayaan ng Pilipinas, ng Wikang Pambansa at ng Katarungang Panlipunan.
Ngayong Agosto 19, 2018, may inihandang mga aktibidad ang mga bayan sa Rizal, isang lalawigan sa Calabarzon (Cavite ,Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at isang lungsod sa Metro Manila, bilang bahagi ng pagdiriwang at pagpupugay sa
kaarawan ng dating Pangulo. Ang mga ito’y ang Angono, Rizal, ang lalawigan ng Quezon at ang Lungsod ng Quezon. Sa Angono, Rizal, ang pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Quezon ay kasabay ng selebrasyon ng ika80 Anibersaryo ng Pagkakalagda sa Pagsasarili ng Angono mula sa pagiging isang dating barangay ng Binangonan. Sa pamamagitan ito ng Executive Order No.158 na nilagdaan noong Agosto 19,1938. Ang pagdiriwang ay tinawag na “Araw ng Angono”.
Sa lalawigan ng Quezon, ang pagdiriwang ay pangungunahan nina Quezon Province Governor David C. Suarez, Congresswoman Anna Villaraza Suarez at Minority Floor Leader Danilo E. Suarez. Tampok sa paggunita at pagdiriwang ng ika-140 kapanganakan ni Pangulong Quezon ang pagkakaloob ng “Quezon Medalya ng Karangalan 2018” sa labing-isang napiling natatanging mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon. Tampok na panauhing pandangal si Senador Juan Edgardo M. Angara. Bahagi rin ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Quezon ay ang “Niyogyugan Festival 2018” at ang “Niyogyugan Grand Parade”. Tampok dito ang street dance competition, dance
showdown competition at ang float competition.
Sa Quezon City, ang pamahalaang panlungsod ay may inihanda ring gawain bilang paggunita at pagdiriwang sa kaarawan ni Pangulong Quezon. Mapapansing ang pangalan ng lungsod ay hango sa pangalan ng dating Pangulo.
Si Pangulong Quezon, ayon sa kasaysayan, mula pa sa kanyang kabataan ay nakaugat na sa puso ang pagmamahal sa bayan at ang nasyonalismo o pagiging makabayan. Pinatunayan ito ng Pangulo sa pamamagitan ng paglilingkod at pagiging isang kawal ng pamahalaan na nakipaglaban sa mga Amerikano. Siya’y naging tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kabilang siya sa pangkat ni Heneral Aguinaldo na nakipagsagupaan sa mga Amerikano. Kabilang na rito ang sagupaan sa Bacolor, Porac, Dolores at Angeles City sa Pampanga.
Siya rin ay naging miyembro ng Philippine Assembly. Hindi siya tumigil at iginiit sa mga Amerikano ang hangaring ng mga Pilipinong lumaya. At sa pagiging Pangulo ng Commonwealth, itinayo niya ang pundasyon ng Republika ng Pilipinas na pinasinayaan noong Hulyo 4, 1946.
Bagamat hindi na niya ito nasaksihan sapagkat binawian ng buhay sa Saranac Lake, New York noong Agosto 1, 1944, ang pangarap na kalayaan ng Pilipinas ay nagkaroon ng katuparan.
Bukod sa katangi-tanging paglilingkod sa bayan, nakapag-iwan din si Pangulong Quezon ng isang pamana sa kanyang mga kababayan na hindi malilimutan. Ito ay ang kanyang “Code of Citizenship” na lalong kilala sa tawag na “Batas ng Kagitingan at Kabutihang Asal”. Isang halimbawa ng nilalaman nito ay “mahalin ang bayan sapagkat ito ang iyong tahanan, kanlungan ng iyong pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan at pagiging tao. Tungkulin mo siyang ipagtanggol. Laging humanda na ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa kanya kung kinakailangan”.
Sa pagiging Ama ng Wikang Pambansa, isa sa unang ginawa ni Pangulong Quezon ay ang pagpapatupad ng probisyon sa Konstitusyon na magkaroon tayo ng sariling wika. Kailangang magtatag ng Surian ng Wikang Pambansa sa Pilipinas, na ang layunin ay makapagpaunlad at makapagpatibay ng isang wikang batay sa isa sa mga dayalekto ng mga Pilipino. Natupad ito at ang Tagalog ang naging
batayan ng wikang pambansa.
Malaki ang paniniwala ng dating Pangulo na kailangan ang isang wikang pambansa sapagkat batid niya na sangkap ito sa isang bansang naghahanda sa pagsasarili. Sa gayon, ang puso at diwa ng mamamayan ay mahuhubog sa isang wikang makapaguugnay sa buong kapuluan at isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo hindi lamang patungo sa pagpapayaman nito upang maging kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura.
Ayon sa kanya, tayo’y mga Pilipino na ang bayan ay Pilipinas. Ito ang tanging bayan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos; na ang bayan natin ay isang dakilang bayan at ito ay may dakilang nakaraan, isang dakilang kasalukuyan at dakilang kinabukasan.
Ang mga alaala at nagawa ng mga bayani ng iniibig nating Pilipinas ay laging bahagi ng kasaysayan at inspirasyon ng mga susunod na henerasyon. Si Pangulong Manuel L. Quezon ay isang Pangulo ng bansa at dakilang bayaning hindi malilimot sa kasaysayan.