Pangsagip sa kapos na bigas
ANG kahilingan hinggil sa paglalaan ng 10 bilyong pisong taunang budget para sa importasyon ng mga makinarya sa pagsasaka ay natitiyak kong labis na ikatutuwa ng ating mga magbubukid; ito ang sasagip sa mistulang naghihingalong produksiyon ng bigas na nagpapabigat sa pagdurusa ng sambayanan, lalo na ang mga nagdarahop.
Kung magkakaroon ng positibing aksiyon, ang naturang budget ay gagamitin sa pagbili ng mga mechanized farm implements – hindi sa pag-angkat ng libu-libong toneladang bigas sa ating mga kalapit na bansa, tulad ng Vietnam at Thailand. At ang mga ito ay ipamamahagi sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at hindi sa mismong mga magbubukid.
Sa pakikipanayam ni dating Senate President Aquilino Pimentel, Jr. kay Senador Cynthia Villar, chairman ng agriculture and food committee, nalantad ang katotohanan na ang pagpapalaki ng ani sa pamamagitan ng pagtustos sa pangangailangan ng mga magsasaka ay susi sa sapat na rice production. Kaakibat ito ng paglalaan ng mga certified seeds mula sa Philrice.
Dahil dito, maiiwasan ang importasyon ng bigas na masyadong pinagkakakitaan ng mga rice smugglers na hanggang ngayon ay nakikipagtaguan pa sa mga awtoridad; masusugpo ang pagsasamantala ng mga rice hoarders na lumilikha ng artificial rice shortage na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas. Kapani-paniwala kaya na ang mga rice smugglers at hoarders ay kinakandili ng ilang mga kapanalig ng administrasyon?
Totoo na ang Department of Agriculture (DA) ay nakatutok din sa pangangailangan ng mga magbubukid, tulad nga ng pagkakaloob ng libreng patubig, paglalaan ng mga binhi na mataas pag-anihan, at iba pang agricultural implements. Kumpletong makinarya ang kailangan, tulad ng ipinatutupad sa Vietnam at iba pa.
Nakalulungkot mabatid na ang nabanggit na mga bansa ang mistulang naghahari ngayon, kung pag-uusapan ang rice-sufficiency. Sa kabila ito ng katotohanan na ang Pilipinas ay matagal nang kinikilala bilang rice-producing country. At isang malaking kabalintunaan na sa ating mga agricultural schools lamang nag-aral ang mga magsasaka ng mga naturang bansa. Ngayon, sa kanila pa tayo umaangkat ng bigas.
Puspusang pagsaklolo sa mga magsasaka ang kailangan upang malunasan ang kakulangan o kapos na rice production.