Balita

Ikapitong labas

- R.V. VILLANUEVA

IBINIGAY ni Fermin kay Nena ang numero na tatawagan ni Nena para makausap ang umano’y may kinalaman sa bibilhin nilang lote at bahay. Ang totoo, may duda si Nena kung totoo ang tungkol doon. Hindi agad nasagot ni Nena ang nasa linya. Hindi karaniwang tao ang kausap niya.

Napangiti si Nena sa halip na magalit. Lumaki siya sa pakikisala­muha sa lahat ng klase ng tao.

“Ibig ko lang, sir...” Magalang pa rin siya at mahinahon. “Kayo ba ang may-ari ng ipinagbibi­ling lupa at bahay?”

“Kung ako, e... ano’ng pakialam mo?”

“E, sorry ho! Kung hindi kayo, e...”

“Sinabi ko bang hindi ako? Bakit? Interesado ka ba? Magsalita ka! H’wag mong inuubos ang oras ko!”

“Kaya nga ho, sir... ako tumawag ay dahil interesado ako.”

“Interesado ka pala’y di bilhin mo! May sasabihin ka pa?”

Nang hindi siya makasagot kaagad, ibinaba na ang phone. Kahit inulit-ulit pa niya ang dial, nagri-ring pero wala nang sumagot.

HAPON. Papalubog ang araw. Naroon sina Nena at Fermin sa may baybayin sa Roxas Boulevard, hindi kalayuan sa U.S. Embassy.

Sakay sila ng dyip ni Fermin na nakaparada sa may bangketa. Maganda, aliwalas ang kabuuan ng langit hanggang sa dako ng lubugan ng araw. Ang ibabaw ng breakwater ay tigib ng mga promenades.

Noon pa, kung gusto nilang maglibang-libang, magpahangi­n, o mag-usap kaya ng medyo sarilinan, ang lugar na iyon ang pinupuntah­an nila.

“May nakausap ka na ba sa ibinigay kong number?” Si Fermin ang nagbukas ng usapan.

Alam ni Nena, kaya siya dinala doon ni Fermin, ay dahil nga sa paksang iyon. Matapos niyang makausap ang wari ay sira ang ulong umano’y caretaker na iyon, nawalan na siya ng interes sa umano’y ipinagbibi­ling lote’t bahay na iyon.

“P’wedeng iba na lang ang pagusapan natin, Fermin?”

“Tinawagan mo ba? Ano’ng napag-usapan ninyo?” Giit ni Fermin. Markado sa mukha ang inis, napilitang ikuwento ni Nena ang napag-usapan nila ng baliw yatang caretaker daw iyon.

Parang hindi naman nagtaka o nagulat man lang bahagya si Fermin sa mga ikinuwento niya.

“Nalimutan ko nga pa lang sabihin, Nena... talaga raw ganoon ang caretaker na ‘yon.”

“Sino namang may sabi sa’yo?” “Si Benjie.” Si Benjie sa pagkakaala­m ni Nena ay suki ni Fermin sa pamilihan ng siyudad ng Malolos sa Bulakan. Marami na ring malalaking mall at palengke sa Malolos, gayunman, ang maliit at lumang palengke ay tinatangki­lik pa rin ng mga mamimiling karamihan ay mahihirap. Si Benjie, sa pagkakaala­m rin ni Nena ay isang seryosong tao, matapat at relihiyoso. Dapat nga raw ay pari ang Benjie dahil nasa seminary na ito ng kung ilang taon nang maagaw ito ng isang kagandahan­g ngayon ay asawa na niya.

Patuloy ni Fermin: “Hindi raw naman sira ang ulo ng caretaker na ‘yon, sabi pa ni Benjie. Pero, Nena... hindi naman importante kung ano mang klaseng luko luko ‘yong caretaker na ‘yon, di ba?”

Sa malas, mukhang nagiging interesado na rin si Nena. Kaya sinabi ni Fermin:

“Sa totoo nga raw, parang naging interesado rin si Benjie sa mga ariariang ‘yon. Kaso may sarili na rin silang bahay.”

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines