Balita

3 tow truck operators, kalaboso sa kotong, droga

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Tatlong tow truck operators ang inaresto sa entrapment operation matapos na akusahang nangongoto­ng sa Barangay IVC, Marikina City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Bernard Soriano, 36; Reden Rosendo, 32; at Robie Collado, 31; pawang trabahador ng Towing and Impounding Group, na accredited ng Metro Manila Developmen­t Authority (MMDA).

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunu­an ni Police Senior Supt. Joel Bernabe Balba, inaresto ng mga tauhan ng Marikina City Police-Police Community Precinct 2 (PCP-2) ang mga suspek sa FVR Road, sa Bgy. IVC, dakong 2:00 ng madaling araw kahapon.

Una rito, minamaneho ni Archie Samputan, 31, ang isang 12-wheeler truck ngunit bigla na lamang itong tumirik sa C5 Road, Bgy. Bagong Ilog, Pasig City, na naging dahilan upang i-tow ito ng mga suspek, bandang 2:30 ng hapon kamakalawa.

Sinabihan umano ng mga suspek ang driver na kailangang itabi ang truck upang makumpuni, ngunit hinatak umano ng mga ito ang sasakyan hanggang sa FVR Road.

Naayos ni Samputan ang truck, ngunit nang kukunin na niya ang behikulo ay hiningan umano siya ni Soriano ng P9,500 bilang kabayaran sa kanilang serbisyo.

Bigo si Samputan na maibigay ang nasabing halaga kaya sapilitang kinuha ni Rosendo ang dalawang baterya ng truck at isinakay sa wrecker, na minamaneho naman ni Collado.

Bago umalis, sinabihan pa umano ng mga suspek si Samputan na isasauli lamang sa kanya ang mga baterya kung maibibigay na niya ang nasabing halaga.

Nang umalis ang wrecker, agad na tinawagan ni Samputan ang kanyang amo, 31, at ikinuwento ang nangyari at inireklamo sa awtoridad ang nangyari.

Nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng PCP-2, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Emil Garcia, at inaresto ang mga suspek sa aktong tinatangga­p ang pera.

Narekober sa mga suspek ang dalawang baterya ng truck at ang siyam na pirasong P1,000.

Isa sa mga operator, na hindi tinukoy ng pulisya, ang nakumpiska­han ng isang pakete ng umano’y shabu kaya sasampahan ng bukod na kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehens­ive Dangerous Drugs Act of 2002).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines