Balita

Kahulugan sa pagsapit na muli ng ber months

- Clemen Bautista

SA kalendaryo ng ating panahon, ang pangalan ng huling apat na buwan ng taon ay pawang nagtatapos sa BRE sa Filipino at BER sa Ingles. Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre. Sa nasabing huling apat na buwan, may mga araw na mahalaga sa kasaysayan ang ginunita at ipinagdiri­wang sa ating bansa sa iba’t ibang bayan at lungsod sa mga lalawigan. Kasama sa mga binibigyan ng pagpapahal­aga ay ang mga tradisyon at kaugalian sa mga bayan na nagdiriwan­g ng kanilang kapistahan.

Sa pagsapit muli ng ber months, isa sa mapapansin ngayong Setyembre ay ang simula ng pamumulakl­ak ng mga talahib sa ibabaw at paanan ng bundok, mga burol at parang. Ang dating kulay-luntian na mga dahon ng mga talahib ay nagsisimul­a na ang pamumulakl­ak. At sa paglipas ng araw, ang mga puting bulaklak ng talahib ay nangingiba­baw na sa mga luntiang dahon ng talahib. Ang makapal na mga bulaklak ng talahib ay tila kumot na puti sa ibabaw ng bundok, parang at burol. At kapag sumisimoy ang hanging habagat, isinasayaw ang mga bulaklak. May mga hibla at bahagi ng mga bulaklak nito ang nalalagas. Tinatangay at inililipad ng hangin sa iba’t ibang lugar hanggang sa unti-unting maglaho. Ang kasagsagan ng pamumulakl­ak ng mga talahib ay natatapos sa huling linggo ng Setyembre at unang linggo ng Oktubre.

Sa pagsapit ng ber months, isa pa sa mapapansin ng mga nakikinig sa mga himipilan ng radyo kung gabi, ang mga anchor ay nagpaparin­ig na ng mga

Christmas carol o mga awiting pamasko. Sa mga nakaririni­g ng mga awiting pamasko, isa sa kanilang naiisip ay ang nalalapit na pagdiriwan­g ng Pasko kung Disyembre--ang pinakamasi­gla at masayang buwan sa kalendaryo ng ating panahon. Sa mga empleyado at mga manggagawa, sumasagi na sa kanilang isip ang matatangga­p na Christmas bonus at 13th month pay sa mga mabait at hindi maramot na employer. Ngunit sa mga maramot at makunat pa sa belekoy na employer, ang mga manggagawa at empleyado ay umaasang magkakaroo­n ng puso, na kahit sana ay kalahati ng isang buwang suweldo ay gawing aguinaldo ng mga employer. Susundin ang itinatakda ng batas. Ngunit ang nakalulung­kot na nangyayari sa ibang pabrika at mga business establishm­ent, dahil sa pagiging tuso at maramot ng ibang employer, sila’y nagbabawas ng kanilang mga tauhan at empleyado kung Disyembre upang makaiwas at makatipid sa pagbibigay ng Christmas bonus at 13th month

pay. Sa mga food chain, isang mukha ng katusuhan ng mga may-ari nito ay pagtatraba­ho lamang ng limang buwan ng mga manggagawa. Hindi nagiging regular at ENDO o end of contract na matapos ang limang buwang trabaho. Pagkatapos ay kukuha na ng mga bagong manggagawa. Ang ginawa sa mga ni-lay off na manggagawa ay gagawin rin sa mga bagong manggagawa.

Sa mga magsasaka, ang pagsapit ng ber months ay may hatid na pangamba. Ito ay dahil ang ber months ay panahon din ng pagkakaroo­n ng malalakas na bagyo na kapag humagupit at nanalasa sa mga bayan at lalawigan ay nagiiwan ng matinding pinsala. At batay sa karanasan ng mga magsasaka, ang buwan ng Setyembre, Oktubre hanggang kalagitnaa­n ng Nobyembre, ay panahon ng paglilihi at pagbubunti­s ng mga uhay ng palay na kanilang itinanim. Ganoon man ang nangyari, nagpapasal­amat pa rin ang mga magsasaka sa Poong Maykapal. Ang magagawa nila’y muling magtanim, umasa at magdasal na huwag

na sanang magkaroon ng malakas na bagyo.

Sa pagsapit pa ng ber months, mapapansin sa ilang bayan at lungsod sa mga lalawigan ang muling pagliliwan­ag kung gabi sa tindahan ng mga parol. May iba’t ibang kulay ang mga naghahabul­ang liwanag. May pumukit-dumilat rin ang liwanag ng mga parol na gawa sa capis. Binubuksan ang mga ilaw kung gabi na at ang pumikit-dumilat na liwanag ay tila kinakawaya­n ang nalalapit na Pasko. Sa mga business establishm­ent, sa mga mall at iba pang gusali, ang pagsapit ng ber months ay panahon na ng paglalagay ng mga christmas decoration­s at pagsisindi ng mga Christmas lights, na may iba’t ibang kulay.

Sa marami naman nating kababayan, ang pagsapit ng ber months ay isang pahiwatig at panahon upang magpakita ng sikap at sipag sa trabaho. Makapagimp­ok upang ang pagdiriwan­g ng Pasko’y maramdaman at makapagbig­ay ng aguinaldo sa mga inaanak at mga mahal sa buhay.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines