Balita

Bebot dinakma sa pangingiki­l sa passport

- Ria Fernandez

Arestado ang isang babae sa paghahawak ng pasaporte ng isang nagnanais maging overseas Filipino worker (OFW).

Nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng General Assignment and Investigat­ion Section (GAIS) ng Manila Police District (MPD) laban kay Leilani Geslaya, 47, freelance recruitmen­t agent, sa isang fast-food restaurant sa Quirino Avenue corner San Andres, sa Malate, Maynila, bandang 1:30 ng hapon kamakalawa.

Ayon kay case investigat­or PO2 Dean Mark Regala, si Geslaya ay inireklamo­ng nangikil ng pera sa complainan­t, si Rosemarie Rodil, 42, kapalit ng pasaporte ng huli.

Ang nasabing dokumento ay hawak ni Geslaya simula pa noong Pebrero ng nakaraang taon nang mag-apply si Rodil bilang domestic helper sa Middle East.

Kalaunan ay umatras ang biktima nang malaman na siya ay magtatraba­ho bilang cleaner sa halip na domestic helper.

Gayunman, pinagbabay­ad umano ng suspek ang biktima ng P8,200 upang mabawi ang kanyang pasaporte.

Hindi magawa ni Rodil ang nais ni Geslaya dahil wala siyang budget.

Ngunit nitong unang bahagi ng taon, muling tinawagan ni Rodil si Geslaya upang muling pagbigyan ang kanyang pangarap na makapagtra­baho sa ibang bansa.

“Kinontak niya uli si Lani. Tinatanong kung pwede makuha yung passport niya. Yun nga po sabi kailangang tubusin. Sabi suspect nasa agency pa. Di kayang i-pullout kasi kailangan ng authorizat­ion,” sabi ni Regala.

Nagbigay si Rodil ng authorizat­ion ngunit hindi pa rin niya makuha ang kanyang pasaporte nang hingan siya ni Geslaya P7,000.

Dito na nagdesisyo­n ang biktima na humingi ng tulong sa awtoridad.

“Ang dami ko sinayang na oras. Umabsent ako. Ma-suspended na ako. Ganun ginawa niya sa akin,” ani Rodil.

Ngunit pinabulaan­an ni Geslaya ang alegasyon, idinagdag na alam ni Rodil ang polisiya ng ahensiya na may bayad ang pag-atras sa aplikasyon.

“Hindi ko naman fault ‘yun. Wala na rin kasi ako dun kasi nagsara na ang Jedi Placement Agency nung January 25, 2018,” pahayag ni Geslaya.

Kasalukuya­ng nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong light coercion, illegal holding of passport, at attempted estafa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines