Balita

Ayusin ang sigalot sa SCS sa ‘pamamagita­n ng dayalogo’

EDITORIAL

-

INIHAYAG ng Japanese defense ministry ngayong linggo na makakasama ng helicopter carrier na “kaga” at mga destroyer na “Inazuma” at “Suzutsuki” ang Japanese submarine na “kuroshio” sa isang anti-submarine warfare exercise sa South China Sea. Tumawag ang submarine sa Cam Ranh Bay ng Vietnam nitong Lunes, at sinamahan ang tatlong barkong pandigma na nasa timog kanluran lamang ng Scarboroug­h Shoal.

Ang Scarboroug­h Shoal ay ang Panatag, na tinatawag ding Bajo de Masinloc. Isa itong maliit na isla sa kanlurang bahagi ng Zambales, na sakop ng 370-kilometron­g Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Ngunit noong 2012, sa isang komprontas­yon sa mga barko ng China, pinili ng Pilipinas na umatras kaya naman ngayon ay inilalaraw­an sa mga ulat sa ibang bansa ang lugar bilang “Beijing-controlled”, bagamat pinahihint­ulutan ang mga Pilipinong mangingisd­a na pumalaot sa karagatan.

Inilarawan bilang bagong pagsubok ang pagpasok ng mga barkong pandigma ng Japan sa South China Sea para sa itinatatag na militar ng China at sa dagat, na 80% ang inaangkin bilang kanilang teritoryo. Tulad ng Amerika at ng iba pang bansa na malapit sa dagat, hindi kinikilala ng Japan ang sinasabi nitong karapatan kaya ngayon ay nagsasagaw­a ito ng isang panghukbon­gdagat na pagsasanay sa lugar.

Ilang bansa, lalo na ang Amerika, ang naninindig­an na isang internatio­nal waterway ang South China Sea at hindi ito maaaring angkinin ng anumang bansa bilang malayang teritoryo nito. Regular na nagpapadal­a ang Amerika ng mga barko nito sa nasabing dagat, upang ipaalala ang kalayaan sa paglalayag, at nagpapalip­ad ng kanilang mga eroplano malapit sa mga islang itinayo ng China mula sa mababato at maliliit na isla. Matagal nang ipinoprote­sta ng China ang hakbang na ito ngunit wala pang anumang marahas na kumprontas­yong nagaganap.

Ang desisyon ng Japan na magpadala ng submarine, carrier at dalawang destroyer sa pinagaagaw­ang dagat ay isa sa pinakamala­laking hadlang sa pag-angkin ng China ng soberanya sa lugar. Nagdudulot ito ng takot, lalo dahil may kasaysayan ng hindi pagkakauna­waan ang dalawang bansa na mahigpit na magkalaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May panahong inokupa ng Japan ang karamihan sa silangang bahagi ng China.

Matapos matalo ang Japan sa Amerika at sa mga kaalyado nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pansamanta­la itong pinamunuan ni Gen. Douglas MacArthur at nagawang ipatupad ang konstitusy­on pacifist. Ngunit ngayo’y may hakbang si Prime Minister Shinzo Abe na baguhin ang konstitusy­on. Ang naging desisyon nito kamakailan na magpadala ng mga barkong pandigma bilang pansalag sa pag-aangkin ng China sa South China Sea ay maaaring bahagi ng umiigting na kamalayan ng Japan sa matagal na nitong pigil na kapangyari­han.

Umaasa tayong walang katotohana­n ang pinanganga­mbahang kumprontas­yon, na ang pandigmang pagsasanay sa lugar ay mananatili bilang isang pagsasanay. Subalit kinakailan­gan ng mabuo ang isang pagsisikap upang malutas ang matagal nang sigalot sa karapatan “through talks”, tulad na rin ng binanggit ng foreign ministry ng China sa isa nitong panawagan sa Tokyo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines