Kamandag
Ika-36 na labas
KINAMUSTA ni Fermin kay Nena ang tungkol sa pagpapalinis nito sa nabili nilang lote. Mabuti raw naman at mabilis ang naging pagtatrabaho ng grupo, ani ni Nena.
“Kaya lang...” nasa isip na naman ni Nena ang tungkol sa mahiwagang babaeng nanood sa pagtatrabaho.
“Kaya lang e ano, Love?” tanong ni Fermin. Aywan kung bakit ganoon ang nasabi ni Nena. Sa totoo lang, hindi pa naman siya inaantok.
Pagkawala, narinig niya, naghihilik na nga ng mahina si Fermin. Nakaramdam na naman si Nena ng pagsisisi kung bakit hindi niya nasabi ang tungkol sa babae.
Kinabukasan, muli hindi na naman nakasama kina Nena si Fermin. Kinakailangan daw ang mas malaking delivery ng mga paninda ni Fermin. Sabi pa ni Fermin: :S’werte siguro sa ‘tin ang nabili nating property. Abe’y andami ng tinanggap kong order sa paninda natin.”
Buo na sa isip ni Nena: Pagmuling nag-usyo sa ginagawa nila ang babaeng ‘yon, hindi na siya magpapalagpas ng pagkakataon. Tiyak, kakausapin na niya. Malay niya, baka ang babaeng ‘yon ang maging unang kaibigan niya sa lugar na iyon.
Pero nabigi si Nena. Sa buong maghapon ng kanyang paghihintay, hindi niya nakita ni anino ng babae. Sa totoo lang, habang busy ang mga manggagawa niya, talagang inaantabayanan niya ang babae pero hindi iyon dumating.
Bago sila umalis ng lugar na iyon, sinuri muna ng itngin ni Nena ang lawak ng nalinis ng mga manggagawa niya. At tiniyak niyang batay sa lawak ng mga nalinis na, hindi aabutin ng tatlong araw ang patrabahong iyon tulad ng tantiya ni Fermin. Malamang, hind matatapos ang buong maghapon knabukasan, tapos ang linising iyon.
Nang sumunod na araw, maagang umalis ng Tundo ang grupo ni Nena. Pasado alas kuwatro lang ng madaling araw. Para raw matiyak na nilang matatapos noong araw na iyon ang kanlang gawain at maaga pa silang makakabalik ng Tondo, sabi ng isang trabahador.
“Siguro’y makapananghalian lang, pauwi na tayo,” anang isa.
“Kung aapurahin natin, baka nga dito na tayo mananghali sa atin,” sabi ng isa pa.
“Huwag namang masyadong mabilis,”sabi ni Nena. Biglang naisip ni Nena: Malapit ang disgrasya sa mga lugar na may mga maligno.
May sinabi ang isa pa na aywan kung bakit naghatid ng matinding kaba kay Nena, anito: “Ang nakakalungkot lang, matatapos na ang trabaho natin, hindi pa dumarating ang reyna ng mga maligno na liligawan ko.” Tawanan. Gustong sawayin ni Nena ang naturang pag-uusap. Pero muli, hindi niya nagawa. At bigla niyang naisip: Sana’y ngayon dumating ang babaeng iyon!
Mabagal na nagdaan ang maghapon. Hindi nayari ang palilinis ng property nina Nena. Hindi rin lumitaw ang mahiwagang babaeng sadyang inaabangan ni Nena.
Ang usapan ng trabahador ni Nena:
“Humihina na yata ang working estimate ko,” sabi ng isa.
“Ako man yata.” Sagot. “Isiping hindi natin natapos ang trabaho natin.”
“O’nga. Kaninang bago tayo magsimula, tant’ya ko’y tapos tayo bago mananghalian.
Hindi humalo si Nena sa usapan. matindi ang kanyang pag-iisip. May nagyayari na namang hiwaga. Aywan kung hindi naiisip ng mga trabahador niya. Masisipag at mabibilis ang mga iyon. Ang kataka-taka, parang hindi nababawasan ang mga damo at mumunting halamang tinatabas nila. At parang lumalaki at lumuwang ang property na nililinis nila.
Itutuloy...