Balita

Total mining ban hiniling ng landslide survivors

- Lesley Caminade Vestil at Beth Camia

CITYOFNAGA,Cebu-Umapela kahapon kay Pangulong Duterte ang mga survivor sa landslide sa Barangay Tina-an, Naga City, Cebu na magpatupad na ang gobyerno ng total ban sa quarrying at pagmimina sa bansa.

Inilabas ang panawagan nang bisitahin ng Pangulo ang pinangyari­han ng pagguho ng lupa sa Sitio Tagaytay, nitong Biyernes ng gabi.

Sinilip din ng Pangulo ang evacuation site ng mga nakaligtas sa insidente sa Enan Chiong Activity Center sa Bgy. South Poblacion ng nasabing lungsod.

Kaagad na siniguro ng Pangulo sa evacuees na gumagawa na ng paraan ang pamahalaan upang maipatupad ang pagbabawal ng pagmimina at quarrying, bago pa matapos ang kanyang termino.

“Ibawal na ‘to na. One day, we will eventually close mining operations in the country,” pahayag ng Pangulo nang magtalumpa­ti siya sa Shangrila’s Mactan Resort and Spa bilang panauhing pandangal ng 3rd Inflammato­ry Bowel Disease (IBD) Clinical Forum of the Asia Pacific Associatio­n of Gastroente­rology (APAGE), nitong Biyernes ng gabi.

Sinabi ni Duterte na matagal na niyang plano at pangarap na magpatupad ng total mining ban, o ipasara na ang lahat ng minahan sa bansa.

Aniya, ipatitigil niya ang pagmimina sa bansa dahil sa mga pagguho ng lupa.

Nilinaw ni Duterte na hindi na rin sumasapat ang P70 bilyon kinikitang buwis mula sa mining industry bilang kapalit o kabayaran sa pagkasira ng kalikasan dahil sa pagmimina.

Gayunman, aminado ang Pangulo na nakatali ang kanyang kamay sa umiiral na batas sa pagmimina o ang Mining Act, at Kongreso lamang ang maaaring magbasura o magpawalan­g-bisa rito.

Kontra rin umano ang kanyang mga economic advisers sa total mining ban dahil sa mawawalang buwis na kikitain ng gobyerno at mga mawawalan ng trabaho sa pagmimina.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines