Balita

UST Tigresses, walang tigil sa pananalasa

- Marivic Awitan

NANATILING walang gurlis ang University of Santo Tomas at National University matapos walisin ang nakaraang dalawa nilang laro nitong Martes sa UAAP Season 81 beach volleyball tournament sa Sands SM By The Bay sa MOA grounds sa Pasay.

Pinayukod nina reigning MVP Sisi Rondina at kaparehang si Babylove Barbon ang Ateneo pair nina Ponggay Gaston at Jules Samonte, 21-9, 21-15, bago ipinoste ang 21-14, 21-14 panalo kontra De La Salle tandem nina Tin Tiamzon at Michelle Morente para maitala ng UST ang malinis na markang 3-0.

Tinalo naman ng mga rookies na sina Klymince Orilleneda at Antonnete Landicho ang University of the Philippine­s duo nina Isa Molde at Justine Dorog, 21-19, 21-10, sa ikalawa nilang laro kasunod ang University of the East twosome nina Rhea Manalo at Lyen Shan Ritual, 21-15, 21-15, para sa tatlong dikit na panalo ng Lady Bulldogs.

Sa men’s division, ang Far Eastern University na lamang ang koponang wala pang talo matapos gapiin nina Tamaraws Jude Garcia at Kevin Hadlocon ang UST pair nina Krung Arbasto at Jaron Requinton, 21-19, 21-18, para sa ikatlong sunod nilang panalo.

Patuloy naman ang reigning titlist National University sa pagbangon mula sa natamong opening day loss, matapos muling magwagi nina Bryan Bagunas at James Natividad, 21-12, 21-15 , kontra kina Kurt Aguilar at Abai Llenos ng Ateneo para sa 2-1 kartada.

Bago natalo sa UST, naipanalo pa nina Tiamzon at Morente ang ikalawang laro kontra Adamson University Lady Falcons Hannah Nicole Infante at Gracelchen Ave, 21-10, 21-5.

Samantala, matapos ang unang dalawang talo, nagwagi na rin ang Lady Maroons at Lady Eagles.

Tinalo ng tambalan nina Molde at Dorog ang duo nina Ivana Agudo at Marianne Calinawan, 21-18, 21-11, habang nanaig naman sina Gaston at Samonte ang Adamson University tandem nina Ave at Infante, 21-14, 21-14.

Sa iba pang men’s matches, nagwagi sina Adamson Falcons Pao Pablico at Jesus Valdez laban kina UE Red Warriors Clifford Inoferio at Alven Aljas, 21-15, 22-24, 16-14, habang nangibabaw naman sina UP Fighting Maroons Nico Consuelo at Mac Millete kontra De La Salle pair nina Geraint Bacon at Paul Serrano, 23-21, 19-21, 15-12.

Magpapatul­oy ang aksiyon sa torneo bukas ganap na 8:00 ng umaga sa parehas ding venue.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines