Pinay, angat sa 43rd Batumi Chess Olympiad

Balita - - Libangan -

WORLD class na laban ang ipinamalas nina Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 2113) at Woman International Master Bernadette Galas (2080) matapos ang fifth round sa pagpapatuloy ng 43rd Chess Olympiad Biyernes ng gabi sa Sports Place sa Batumi, Georgia.

Si Mendoza, mainstay ng starstudded Far Eastern University chess team ay nagwagi kay Woman Fide Master Louise Head (2161) sa 35 moves ng Slav defense sa board three, habang ginapi ni Galas, dating top player ng UAAP champion De La Salle University chess team, si Woman International Master Sue Maroroa (2112) sa 43 moves ng English Opening sa board four.

Yuko si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287), kay International Master Jovanka Houska (2402) sa 56 moves ng King's Indian Attack sa board one habang tiklop naman si Woman International Master Catherine Perena-Secopito (2157) kay Fide Master Akshaya Kalaiyalahan (2253) sa 68 moves ng King's Indian defense sa board two.

Dahil sa pagkatalo, napuwersa sa 2-2 deadlock ang resulta ng laban ng 43rd seed Philippines at 25th seed England.

Ang country's female squad ni team captain Grandmaster Jayson Gonzales ay may seven match points mula sa 13 game points, at umakyat sa 31st place.

Ang Filipinas na nasa kandili nina NCFP Chairman/ President Deputy Speaker Prospero "Butch" Arreza Pichay Jr. at Secretary-General Rep. Abraham "Bambol" Ng Tolentino Jr. ay sunod na makakalaban ang 15th ranked Spain, na binokya naman ang 45th ranked Brazil, 4-0.

Sa men's division, nalasap ng Philippines ang ika-3 sunod na kabiguan sa 1.5-2.5 na resulta sa kamay ng No. 102 seed Lebanon, at lumagapak sa 101st place.

Talo si Grandmaster John Paul Gomez (2464) kay Fide Master Amro El Jawich (2276) sa 29 moves ng Ruy Lopez Opening habang nadapa din si Fide Master Mari Joseph Logizesthai Turqueza (2360) kay untitled Mahdi Al Kaoury (2106) sa 33 moves ng English Opening sa board four.

Nauwi sa tabla ang laban ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra (2553) kay International Master Fadi Eid (2328) sa 84 moves ng King's Indian defense sa board one habang panalo naman si International Master Haridas Pascua (2435) kay Candidate Master Maroun Tomb (2177) sa 57 moves ng King's Indian defense sa board three.

Ang men's team squad na ang team captain ay si Asia's First Grandmaster Eugene Torre ay may four match points mula 10.5 points, sunod na makakalaban ang 151st seed Jersey na binasura ang 178 seed Burundi, 4-0.

Samantala ang laban ng top seed United States ay napuwersa sa 2-2 standoff kontra sa 10th seed Israel.

Itinala ni World Championships challenger Grandmaster Fabiano Caruana (2827) ang crucial win sa United States matapos talunin si Grandmaster Boris Gelfand (2703) sa board one.

Nag-ambag naman ng tabla sina Grandmaster Wesley So (2776) at Grandmaster Hikaru Nakamura (2763) sa boards 2 at 3, ayon sa pagkakasunod kontra kina Grandmaster Maxim Rodshtein (2674) at Grandmaster Tamir Nabaty (2692).

Habang nabigo naman si Grandmaster Samuel Shankland (2722) kay Grandmaster Emil Sutovsky (2633) sa board four.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.