Matapos ang Boracay, rehabilitasyon para sa Laguna de bay at Manila bay

Balita - - Opinyon -

BAGO pa man ipasara ang Boracay, na aniya’y naging “cesspool” na, una nang tinukoy ni Pangulong Dutere ang Laguna de Bay bilang isa sa mga anyong tubig sa bansa na nangangailangan ng agarang aksiyon at atensiyon ng pamahalaan.

“Itong Laguna Lake,” pahayag niya sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo 25, 2016, ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang maupo siya sa kanyang puwesto, “Wala na ang fisherman. Iyon na lang...one big fish pen to the other. Makita mo sa plane every time I go to Davao.” Nangako siyang, “Laguna Lake shall be transformed into a vibrant economic zone showcasing ecotourism by addressing the negative impact of watershed destruction, land conversion, and pollution.”

Kumilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang tugunan ang direktiba ng Pangulo. Makalipas ang isang taon, giniba na ang naglalakihang baklad na pinapatakbo ng ilang kumpanya upang bigyan ang maliliit na magsasaka ng mas malaking parte na maaaring pangisdaan. Sinabi ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na sa unang kalahati ng 2017, nasa 19,000 binhi na ang kanilang naitanim sa mga hindi napakikinabangang lugar sa paligid ng lawa. Ibinahagi din nito ang 10-year Laguna de Bay Region Master Plan kung saan lilimitahan sa 60 porsiyento sa lugar, habang ang 40% ay ilalaan bilang mga parke at eco-tourism.

Kamakailan lang, binigyan ng direktiba ng Malacañang ang LLDA para tingnan ang posibilidad na pagtanggal sa lahat ng mga palaisdaan at mga baklad na nasa Laguna de Bay upang mabigyan ng panahon ang lawa na makabawi at manumbalik mula sa nakalipas na maraming taong komersiyal na pang-aabuso, kasama ng pagkasira ng kagubatan sa paligid nito at sa polusyong dulot ng mga kabahayang nakatayo sa palibot ng lawa. Binanggit din ni presidential spokesman Harry Roque ang panawagan ni dating DENR Secretary Lito Atienza na pag-aalis sa lahat ng baklad na natakayo sa lawa upang maisakatuparan ang pagsasaayos at rehabilitasyon nito.

Naging desidido ang Pangulo at DENR na ipasara ang Boracay nitong Mayo dahil lumalabas na lubos na itong naabuso ng maraming negosyo doon—mga hotel, resort at kainan—na tumatanggap at nagsisilbi sa milyun-milyong turista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nagtutungo sa pangunahing atraksiyon ng bansa. Nakatakdang muling buksan ang Boracay ngayong Oktubre, matapos ang anim na buwang malawakang rehabilitasyon ng lugar upang maihinto ang polusyon, maipreserba ang natural na atraksiyon ng isla, at maitigil ang mga paglabag ng maraming lokal na ordinansa.

Isang katulad na tiyak na aksiyon ang dapat na ipatupad upang mapanumbalik ang natural na yaman at ganda ng Laguna de Bay—kasunod ng paglilinis, pagsasaayos at proseso ng rehabilitasyon na dapat iimplementa sa karugtong nito na ilog Pasig patuloy sa Manila bay na maaaring mas may malaking problema kumpara sa Laguna de Bay.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.