Balita

Andeng Ynares, pelikula lang ni Sharon ang pinapanood

- Reggee Bonoan

SA My 40 Years concert ni Sharon Cuneta nitong Biyernes ay nakita kami ni Ms Andeng Revilla-Ynares at nagpasama siya sa ladies room.

Habang naglalakad kami ay tinanong niya kami kung Sharonian kami, at kaagad kaming sumagot: “Lahat po ng pelikula niya, pinanood namin.” Sang-ayon din ang tita nina Bryan, Jolo at Luigi Revilla sa sinabi namin.

“Alam mo ba, pelikula lang ni Sharon ang pinapanood ko simula bata ako?” sabi niya.

Idol talaga ng magandang misis ni Antipolo City Mayor Junjun Ynares si Sharon, hindi lang bilang artista kundi bilang singer din. Mga kanta rin ni Mega ang kinanta niya sa birthday party niya noong 2009, tulad ng Pangako Sa ‘Yo, Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko ka-duet ang asawa (na gobernador pa noon), at Ikaw Ang Aking Mahal.

Ang nasabing event ay kasabay na rin ng pagdiriwan­g ng Bagong Taon sa nag-iisang siyudad ng Rizal.

Samantala, si Ms Andeng ang katuwang ni Ginoong Marlon Bautista (kuya ni former Senator Bong Revilla) sa pag-aasikaso sa promo ng pelikulang Tres nina Bryan (“Virgo”), Luigi (“Amats”) at Jolo (“72 Hours”). Leading ladies sa trilogy movie sina Rhian Ramos, Myrtle Sarossa at Assunta de Rossi. Mapapanood na ito sa Oktubre 10, handog ng Imus Production­s at ire-release ng Cine Screen under Star Music.

Magiging aktibo na ulit si Ms Andeng sa showbiz, dahil isa sa mga araw na ito ay ilo-launch naman ang pamangkin niyang si Luigi bilang singer mula sa Star Music.

“Medyo hirap nga kasi hindi naman ako basta puwedeng umalis dahil busy din ako bilang nanay ng mga anak ko (edad 10 at 8),” sambit sa amin.

Successful naman ang ginanap na premiere night ng Tres kagabi sa SM Megamall Cinema 7.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines