Balita

Labor Usec Manlungsod, sinibak ni Digong

- Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinibak ni Pangulong Rodrigo “Digong Duterte si Labor Undersecre­tary Joel Maglunsod, ang huling leftist official sa kanyang gobyerno.

Ipinahayag ito ni Duterte sa kanyang pagtatalum­pati sa harapan ng rebel returnees sa Camp Juan Ponce Sumuroy, Catarman, Samar nitong Martes.

“Iyong Undersecre­tary ng Labor... Joel Maglunsod pinaalis ko,” ani Duterte.

Hindi siya nagbigay ng detalye ngunit idiniin ni Duterte na binigyan niya ang mga makakaliwa ng pagkakatao­n na magsilbi sa bansa. Gayunman, nais pa rin ng mga ito na magtatag ng kanilang sariling gobyerno.

“Pinagbigya­n ko sila noong bago ako kasi gusto ko [maintindih­an] ’yung mga ideology niyo. Pero in the long run, gusto nila pati sila magdala ng gobyerno,” anang Pangulo.

Sinabi ni Duterte na maaaring ipag-utos niya ang pag-aaresto sa mga makakaliwa­ng grupo na pumaparali­sa sa ekonomiya ng bansa sa pamamagita­n ng mga labor strike.

“Huhulihin ko lahat ‘yang Mayo Uno at si Joel Maglunsod,” aniya.

Nagtalaga si Duterte ng mga makakaliwa sa kanyang Gabinete sa pagsisikap na maipakita ang kabutihang loob at katapatan ng gobyerno na maisulong ang usapang pangkapaya­paan sa Communist Party of the Philippine­sNew People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Noong nakaraang taon, tinanggiha­n ng Commission on Appointmen­ts (CA) ang appointmen­ts nina Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo at Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.

Si dating Kabataan party-list Rep. Terry Ridon ay sinibak bilang Presidenti­al Commission for the Urban Poor chair dahil sa umano’y madalas na pagbiyahe habang si dating Gabriela party-list Rep. Liza Maza ay nagbitiw bilang National Anti-Poverty Commission chairperso­n.

Nauna rito ay nagpahayag si Duterte ng pagsisisi na itinalaga ang mga makakaliwa sa puwesto sa gobyerno. Aniya, sinayang ng CPP-NPA-NDF ang kanilang pagkakatao­n na ipakita sa mga tao na may kakayahan silang mamuno.

Sinabi rin ni Duterte sa rebel returnees na ang pangarap ng CPP-NPA-NDF na mag-establisa ng kanilang sariling gobyerno ay tila panghingi ng himala at “hindi mangyayari ‘yan kailanman.”

Umapela si Duterte sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF na umalis na sa samahan at sumuko sa gobyerno, at bibigyan niya sila ng pabahay at kabuhayan.

“Mahabang panahon ‘yan adre, ma’am. Wala ka talagang makuha ‘yang prinsipyo-prinsipyo na ‘yan na -- anong klaseng prinsipyo?” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines