Balita

Walang dapat ilihim

- Celo Lagmay

NANG tahasang ipahiwatig ni Pangulong Duterte na siya ay sumailalim sa medical check-up sa isang ospital sa Metro Manila, naniniwala ako na napatigaga­l ang kanyang mga kritiko na walang humpay sa pamimilit na ilantad ang kalagayan ng kanyang kalusugan.

Mismong Pangulo ang nagsabi na siya ay isinalang sa endoscopy at colonoscop­y test upang matiyak ang kanyang mga karamdaman. At tila pabiro pa siyang nagwika: Sasabihin ko kung ako ay may cancer. Siyempre, ang kanyang mga doktor lamang, sa pamamagita­n ng makabagong mga medical instrument, ang magpapatun­ay ng kanyang totoong health condition.

Talaga namang walang dapat ilihim sa kalusugan ng Pangulo. Karapatan natin, kabilang na ang grupo ng oposisyon at mga kritiko, na matiyak na malusog ang ating ama, wika nga, sa pamumuno ng bansa. Kailangan niya ang matibay na pangangata­wan at

matalas na isipan sa paglalatag ng mga programang pangkaunla­ran; mga patakaran sa paglipol ng illegal drugs, lalo na ang talamak na katiwalian na malaon nang gumigiyagi­s sa pamahalaan.

Naniniwala ako na hindi biro ang hirap na kinakahara­p ng Pangulo sa paglutas ng nabanggit na mga problema. Katunayan, hindi miminsan niyang inamin na nahihirapa­n siyang sugpuin ang kurapsiyon sa lahat halos ng ahensiya ng gobyerno, lalo na sa Bureau of Customs (BoC) at iba pa. Sa kabila nito, naniniwala rin ako na malalampas­an niya ang lahat ng paghamon -- sa pag-agapay ng iba’t ibang sektor na naghahanga­d

ng isang malinis at matatag na gobyerno na bahagi ng adhikain ng Duterte administra­tion.

Ngayong mismong si Pangulong Duterte ang naglantad ng dinadaanan niyang mga medical check-up, natitiyak kong mapapawi na ang hindi kanais-nais na mga espekulasy­on hinggil sa kanyang kalusugan. Isipin na kamakailan lamang, lumutang ang mga haka-haka na siya ay comatose -- sinasabing may malubhang karamdaman. Nais palabasin ng mga kritiko na mabuway ang kanyang kalagayan sa pagtupad ng tungkulin.

Bigla kong naalala ang gayon ding mga espekulasy­on na

ipinukol ng ilang sektor tungkol sa kalusugan din ni dating Pangulong Fidel Ramos. Noon, walang inilihim si FVR. Katunayan, inihayag sa bayan ang kanyang pagpapaope­ra ng carotid sa Makati Medical Center. Mistulang hinakot ko ang Malacañang Press Corps (MPC) upang bisitahin ang dating Pangulo pagkatapos ng kanyang operasyon. Bilang Press Undersecre­tary, pinamahala­an ko ang live interview sa Pangulo mula sa kanyang paglabas sa hospital room hanggang sa elevator, hanggang sa Malacañang upang ipakita sa bayan ang kanyang tunay na kalusugan na hindi dapat itago sa mga mamamayan.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines