Ika-50 labas
NASENTRO ang pag-uusap ng mag-asawang Fermin at Nena sa mahiwagang babaeng madalas makita ni Nena at ito rin daw ang babaeng nakuha nila ang litrato sa loob ng bahay.
“Kung noon pa ang litratong ‘yan...dapat matanda na ang may-ari, di ba?”
Hindi kumibo si Fermin. Pagkaraan ng ilang sandal si Fermin ang nagsalita. “Hindi ba... bata rin naman ‘yong nasa retrato.”
“E, kelan nga dinala? Di ba dapat luma rin ang retrato. E, kayo ang may sabi na hindi naman mukhang luma ang litrato?”
Napakamot na lang sa batok si Fermin kahit hindi naman yata makati.
Pagkaraan ng ilang sandali pang pagtatalo, sabi na lang ni Fermin: “E, bakit ba pagtatalunan natin ang ganyan kaliit na bagay.”
Ibig na namang tumutol ni Nena pero hindi nakawala sa isip niya ang pagtutol. Hindi maliit na bagay ‘yan.
Nakikiusap ngayon si Fermin: “Kalimutan mo na ang babaeng ‘yon, please lang. Habang hindi mo nakakalimutan ang babaeng iyon at laging nasa isip mo na kahawig siya ng nasa retrato, maiisip mong hindi siya ilusyon kundi talagang katotohanan.”
Ilusyon na naman! Ibig isigaw ni Nena pero pinili na lamang niyang manahimik. Ano bang buti ang idudulot sa kanila ng madalas nilang pagtatalo ay desidido naman si Fermin na maging kanila talaga ang ari-ariang iyon. Lumakad ang mga araw. Unti-unti napapanatag ang loob ni Nena. Mula nang magsimulang magtrabaho ang mga aluwage, wala namang aberyang nagyari. Hindi napagawi sa lugar nila ang mahiwagang babaeng iyon.
Ang talganag gustong mangyari ni Nena, sana ay dumaan uli ang babaeng iyon. At oras na dumaan, hindi na niya palalagpasin. Kakausapin na niya. Kailangang magkaalaman na!
Samantala, iniwasan na rin niya na bumanggit ng ano man tungkol sa babaeng iyon kay Fermin. Sa malas naman, sinadya man o hindi, waring nakakalimutan na ni Fermin ang tungkol doon.
Kung dumarating ang gabi, hindi man niya ipinaalam kay Fermin, lagi siyang nagdarasal ng pasasalamat kay Lord at hindi na sila ginagambala ng babaeng iyon.
Sana po, Lord... kung totoo mang may mga hiwaga sa nabili naming ari-arian, huwag Mo pong ipahintulot na makairal pa sila.
“Ngayon, mahal...ano pa ang masasabi mo?” mula kay Fermin.
Nakatayo ngayon ang mag-asawang Nena at Fermin sa mismong harap ng bagong ipinakumpuni nilang bahay.
‘Parang hindi tayo nagpakumpuni lang,” sabi pa ni Fermin sa humahalakhak na boses. “Parang na tayong nagpagawa ng bago, di ba? Hindi ka ba maligaya?”
“Maligaya naman?..” patianod ni Nena.
Dinama ni Nena ang kanyang sarili. May dapat nga ba siyang ikatuwa? Mayroon naman. Pero hindi pa rin nawawala ang reserbasyon.
Hindi nagsisinungaling si Fermin. Sa malas, para nga silang nagpagawa ng bago. Ngayong may pintura na iyon, mahirap na nga namang isiping iyon ay hindi bagong tayo. Iyon nga lang, ang bahay ay sunod pa sa arkitekturang kastila.
Kumpleto na rin sila ng istilasyon ng kuryente. May linya na rin sila ng telepono. Kayraming ilaw na ipinaistila ni Fermin. Sa loob at labas ng bahay.
Habang nanonood si Nena sa mga ikinabit na ilaw, parang ibig niyang magtanong: Bakit naman ang daming ilaw? May dapat bang ilawang mabuti? May inihahatid iyong kaba sa kanyang dibdib. Itutuloy...