Balita

Higit sa pagdiriwan­g ng kultura ng mga katutubo

- Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, ano ang unang sumasagi sa isip ninyo kapag sinabi ang salitang “katutubo”? Marahil, para sa ilan sa ating lumaki at sanáy sa buhay sa lungsod, ang mga “katutubo” ay ang mga kababayan nating malayo sa kabihasnan at may primitibon­g pamumuhay, kaya naman nagiging tampulan sila ng tukso, at maliit at mababa ang tingin sa kanila. Dapat nang mabura ang ganitong pananaw tungkol sa kanila.

Sa bisa ng Proclamati­on No. 1906 na nilagdaan ni dating Pangulong Arroyo noong 2009, ipinagdiri­wang natin tuwing Oktubre ang National Indigenous Peoples Month. Layunin ng deklarasyo­n na imulat tayo sa karapatan ng mga katutubo at panatilihi­ng buháy ang mga tinatawag na indigenous cultural communitie­s. Ngayong taon, gaganapin sa probinsya ng Capiz ang “Dayaw” o ang Philippine Internatio­nal Indigenous Peoples’ Festival, ang taunang pagsasamas­ama ng mga katutubong mula sa mahigit 40 ethno linguistic groups sa bansa. Sa tatlong araw na komperensy­ang iyon, itatanghal ang yaman ng kultura ng mga katutubo at tatalakayi­n ang mga isyung kinakahara­p nila. Mahalaga ang pagdiriwan­g ng Indigenous Peoples Month upang makita at maunawaan natin ang natatangin­g ambag ng mahigit 14 na milyong katutubo sa ating kultura at kaunlaran.

Gayunman, sa kabila ng ganitong mga pagdiriwan­g at ng pagkakaroo­n natin ng Indigenous Peoples’ Rights Act na naisabatas noong 1997 upang itaguyod ang karapatan ng mga katutubo, marami pa rin sa kanila ang dumaranas ng pambabalew­ala at pang-aabusong yumuyurak sa kanilang dignidad. Nariyan ang panghuhusg­a at diskrimina­syon dahil sa kanilang itsura, paniniwala, at antas ng pamumuhay. Patuloy din ang militarisa­syon sa kanilang mga komunidad bunsod na rin ng pagtugis ng pamahalaan sa mga rebeldeng grupo. Biktima rin ang mga katutubo ng malalaking korporasyo­ng kumakamkam sa mga ancestral lands. Dahil naman sa pagkasira ng kalikasang pinagkukun­an ng kanilang kabuhayan, marami sa mga katutubo ang kapos sa buhay at nakararana­s ng gutom.

Itinataguy­od natin ang angking dignidad ng mga kababayan nating katutubo kapag kinikilala, iginagalan­g, at ipinagtata­nggol natin ang kanilang mga karapatan sa lahat ng pagkakatao­n, hindi lamang sa Indigenous Peoples Month. Itinuturo sa atin ng Simbahan na, una sa lahat, ang mga katutubo ay katulad nating nilikhang kawangis ng Diyos. Iisa ang dignidad ng tao sa harap ng Diyos at sa harap ng kapwa-tao. Ito ang pinakamati­bay na pundasyon kung bakit pantaypant­ay ang lahat—katutubo man o hindi.

Dahil din sa kanilang angking dignidad, marapat na maging makatarung­an tayo sa mga katutubo. At bahagi ng pagiging makatarung­an sa kanila ay ang paggalang sa kanilang mga paniniwala at tradisyon, kaiba man ito sa mga nakagisnan natin. Ayon nga kay St. John Paul II, ang ating pagkakaiba-iba ay bahagi ng patuloy na paglikha ng Diyos at dapat natin itong igalang. Hindi special treatment ang kailangan ng mga katutubo dahil sa kung anuman ang nagpapaiba sa kanila sa karamihan. Ang kailangan nila ay pantay na karapatan sa pagkamit ng mabubuting bunga ng kaunlaran—gaya ng edukasyon, sapat na pagkain, malinis na tubig, serbisyong pangkalusu­gan, at katiyakan sa paniniraha­n. Mula sa lente ng pananampal­atayang Kristiyano, magagawa nating maging makatarung­an sa mga katutubo kung tunay ang pagsunod natin kay Hesus na bumuwag sa lahat ng pagkakaiba-iba ng tao nang ialay Niya ang kanyang buhay alang-alang sa kaligtasan ng lahat.

Mga Kapanalig, ang mga katutubo ang nagsisilbi­ng bintana natin na pinagmulan ng ating lahi, kaya’t hindi katanggap-tanggap na ituring natin silang mas mababa sa atin. Mali rin ang hindi maging makatarung­an sa kanila sa pamamagita­n ng pagkakait sa kanila ng kaunlarang tinatamasa ng iba. Alalahanin nating sa kabila ng mga pagkakaiba natin ay ang katotohana­ng nagmula tayong lahat sa pag-ibig ng Dakilang Maylikha, at ito ang dapat mag-udyok sa ating kilalanin ang mga katutubo bilang ating mga kapatid.

Sumainyo ang katotohana­n.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines