Balita

PAGPAPASA SA BUDGET, IPIPILIT

- Charissa M. Luci-Atienza

Inamin kahapon ng senior vice chairman ng House Committee on Appropriat­ions na kailangan nilang puspusang magtrabaho para maipasa ang panukalang 2019 P3.757-trilyon national budget sa ikatlo at pinal na pagbasa bago magsara ang Kongreso ngayong linggo para sa Halloween break.

Sinabi ni Compostela Valley Rep. Maria Carmen Zamora, nakaupo sa maliit na komite na bumubusisi sa mga pagbabago sa national budget, na maaaring gahol na sila sa oras para maipasa ang budget bago magsara ang Kongreso sa Oktubre 13, ngunit gagawin ng Kamara ang lahat para maaprubaha­n ito sa itinakdang oras.

“We’ll try our best [para maipasa ang national budget ngayong linggo], but we may not have enough material time to get it approved on third [and final] reading before the recess,” aniya.

Inaprubaha­n ng House of Representa­tives, sa pamamagita­n ng viva voce voting, ang House Bill 8169 o ang spending bill sa ikalawang pagbasa nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi ni Zamora na ginagawa ng mga miyembro ng maliit na komite ang lahat ng paraan upang matiyak ang agarang pagpasa sa 2019 national budget at kaagad itong maipadala sa Senado.

“The committee is working round the clock to make up for the lag incurred during the plenary schedule, but rest assured that we’ll be able to pass the 2019 budget on time,” aniya.

Si House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando “Nonoy” Andaya Jr. ang nagpanukal­a na lumikha ng maliit na komite para tumanggap at magresolba ng maliliit na pagbabago sa HB 8169.

Inaasahang isusumite ng mga miyembro ng Kamara ang mga pagbabago ng kanikanila­ng komite sa spending bill sa Oktubre 9, 2018.

Bukod kina Zamora at Andaya, miyembro rin ng maliit na komite sina Reps. Federico Sandoval II, Corazon Nunez-Malanyaon, Anthony Bravo, Edcel Lagman, at Minority Leader Danilo Suarez.

Matapos ang isang buwang bakasyon, magbabalik sa trabaho ang Kongreso sa Nobyembre 12, 2018.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines