R1-M ‘Kush’ sa drug transaction, 2 tiklo
Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng “Kush” o highgrade marijuana ang nakumpiska ng awtoridad mula sa umano’y drug supplier na target nila sa buy-bust operation sa Barangay Caniogan, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5 (PS-5), nagsagawa ng buy-bust operation laban kay Carlitos Johanne Arpilleda, 23, ng 3233 A. Mabini Street, Poblacion, Makati City, sa 5 Col. P. Licsi St., sa Bgy. Caniogan, dakong 9:00 ng gabi.
Samantala, arestado rin ang isang Jayson Peralta, 24, ng 443 Pasig Bliss, Bgy. Caniogan, na umano’y parokyano ng suspek nang maabutan ito sa lugar.
Sa ulat ni PO3 Eduardo Dolleton, may hawak ng kaso, nabatid na nag-ugat ang operasyon matapos na ituro si Arpilleda, na siya umanong source ng ipinagbabawal na droga ng mga hinihinalang drug pusher na naaresto ng MPD noong Sabado.
Kaagad namang sinalakay ng awtoridad ang lugar at isang poseur-buyer ang bumili ng Kush kay Arpilleda.
Nang maisagawa ang transaksiyon, agad na dinakip ang mga suspek.
Narekober mula kay Arpilleda ang mga umano’y pinatuyong dahon ng marijuana, na nakasilid sa mga lata ng biskuwit; at mga pakete ng umano’y shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P1 milyon; isang weighing scale; pipes; at P3,000 buybust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.