Balita

Cayetano, target maging Speaker

- Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

BALI, Indonesia — Sinabi ni Outgoing Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano na hangad niyang maging lider ng Kamara sakaling siya ay manalo sa 2019 elections.

Inilahad ito ni Cayetano sa idinaos na symbolic turnover ng ayuda ng Pilipinas sa Central Sulawesi, Indonesia na sinalanta ng lindol at tsunami nitong nakaraang buwan.

Sa panayam kahapon, sinabi ni Cayetano na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na mas mainam na magsilbi siyang House Speaker para matulungan ang administra­syon na matamo ang mga nilalayon nito.

“We had a heart-to-heart talk, and we both agreed that a role in Congress and a leadership position in Congress would be good in terms of pursuing that vision,” ani Cayetano sa Malacañang reporters.

“With all humility, I will seek another term in my hometown, Taguig Pateros, the district of Taguig and Pateros, and then let’s see where it goes from there,” dugtong niya.

Ang biyahe ni Duterte sa Bali ay ang huling public appearance ni Cayetano bilang Foreign Affairs Secretary. Sinabi niya na nag-alok siyang tapusin ang lahat ng mga nakalinyan­g okasyon sa kanyang opisina ngunit mas nais ni Duterte na magbitiw na ang lahat na nagnanais tumakbo.

Tumanggi naman si Cayetano na sabihin kung sino ang papalit sa kanyang puwesto sa Department of Foreign Affairs (DFA). Aniya, excited si Duterte nang mapagkasun­duan nila ang kanyang kahalili.

“As soon as we came up with a name, that we all agreed on and may excitement doon kay Presidente doon sa person na ‘yun, then I have full confidence that my successor will be more than capable, he might even do a better job,” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines