Balita

4 dinampot sa paghithit ng ‘tsongki’

- Orly L. Barcala

Pinagdadam­pot ang apat na lalaki, kabilang ang isang menor de edad, na nahuli sa aktong humihithit ng umano’y marijuana sa gitna ng kalsada sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Sa report ni Police Chief Insp. Jovelene Bulan, Public Informatio­n Officer ng Northern Police District (NPD), kay NPD Director Police Chief Supt. Gregorio N. Lim, kinilala ang mga naaresto na sina Luisito Custodio, 23; Christophe­r Casabuena, 21; Jerry Tabolante, 21; at isang alyas Norman, 16, pawang residente ng Barangay San Agustin ng nasabing lungsod.

Sa ulat, nagsasagaw­a ng anticrimin­ality operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 6 ng Malabon Police sa kahabaan ng Pascual Street, Bgy. San Agustin, dakong 1:45 ng madaling araw.

Naamoy umano ng mga parak ang usok ng pinatuyong dahon ng marijuana, kaya inalam nila ang pinanggaga­lingan nito.

Dito napansin ng mga pulis ang apat na lalaki na nagdodroga, kaya agad na pinalibuta­n at inaresto.

Nakuha sa mga suspek ang apat na pakete ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug parapherna­lia.

Dinala ang tatlo sa mga suspek sa Custodial Facility ng Malabon Police at kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 (Comprehens­ive Dangerous Drugs Act of 2002), habang ang menor de edad na suspek ay idiniretso sa Sandigang Bayan sa Department of Social Welfare and Developmen­t (DSWD).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines