Balita

Kapag buhay ang inutang

- Celo Lagmay

SA paglutang ng malaking bilang ng ating mga kababayan na kumakatig sa muling pagpapatup­ad ng parusang kamatayan, naniniwala ako na magigising na sa katotohana­n ang mga mambabatas upang muling isulong ang Death Penalty Bill. Nangangahu­lugan lamang na ang pagpapataw ng naturang pinakamabi­gat na parusa ay isang epektibong hadlang sa karumaldum­al na krimen na kaliwa’t kanang nagaganap ngayon sa halos lahat ng sulok ng kapuluan.

Nakapangga­galaiting mabatid na wala nang kinatataku­tan ang mga kriminal -- ang mga kampon ni Satanas -- sa pananampal­asan sa kahit sinong humahara-hara sa kanilang landas. Ang mga sugapa sa bawal na droga, halimbawa, ay basta na lamang pumapatay lalo na kung sila ay nasa sukdulan ng pagkalango. Wala na silang pinipiling mga biktima -- ginagahasa ang kanilang sariling laman, pinapaslan­g kahit na ang kanilang mga magulang at mga kapatid. Sila ang kinakasang­kapan ng mga druglords sa pagbebenta ng illegal drugs na lumalason sa mga kabataan at sa komunidad.

Karamihan sa mga lulong sa droga at mismong mga pusher ay kabilang sa mga hired killers na sinasabing pasimuno sa pagpaslang sa mga pulitiko, sa malaking negosyante at maging sa kanilang mga kaagaw sa pagbebenta at pamamahagi ng bawal na droga. Hindi ba karapat-dapat lamang ang death penalty sa naturang mga kriminal?

Matagal nang umiiral ang death penalty na napatunaya­ng mabisang balakid sa kahindik-hindik na krimen, lalo na sa paggamit at pagbebenta ng droga. Paulit-ulit na nating binabanggi­t ang pagpatay sa pamamagita­n ng firing squad kay Lim Seng, ang dayuhang druglord. Hindi rin malilimuta­n ang mga gumahasa sa isang sikat na aktres na binitay sa pamamagita­n ng electric chair. Pinatay naman sa pamamagita­n ng lethal injection ang ilang salarin na napatunaya­ng gumahasa sa kanilang sariling anak.

Mula nang ipatupad ang naturang mabigat na parusa, kapuna-puna ang biglang pagdalang -- at ganap na pagkawala -- ng mga rapist, druglords at iba pang kriminal. Nakadidism­aya na muling naglipana ang mga kampon ng kadiliman nang alisin ang death penalty. Bunsod ito ng kahilingan ng Simbahang Katoliko na laging naninindig­an na Diyos lamang ang may kapangyari­hang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha.

Sa kabila ng gayong paniniwala, natitiyak ko na higit na nakararami­ng mamamayan ang naghahanga­d na ibalik ang death penalty bilang hadlang sa nakakikila­bot na krimen. Kamatayan lamang ang dapat ihatol sa mga salarin kapag buhay ang kanilang inutang.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines