Balita

NU, dominante sa UAAP Jrs. volleyball

- Marivic Awitan

NAITALA ng reigning 4-time girls champions National University ang ikalawang sunod na panalo nang pataubin ang Adamson University, 25-16, 22-25, 25-27, 25-12, 15-7, nitong Miyerkules sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Blue Eagle Gym.

Umiskor si Alyssa Solomon ng 19 puntos at 9 digs kasunod sina Faith Nisperos at Sheena Toring na nagtala ng tig-16 puntos para sa Bullpups na bumalikwas mula sa 1-2 set deficit at nalusutan ang itinala nilang 47 errors upang magapi ang Baby Falcons.

Pinangunah­an naman ni May Ann Nuique na may 13-puntos ang Adamson University na bumaba sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 2-1.

Sa isa pang laban, nagposte si Imee Hernandez ng 13 puntos habang nagdagdag si Regina Jurado ng 12 hits nang padapain ng University of Santo Tomas ang Far Eastern University-Diliman, 25-20, 25-23, 25-20, upang sumalo sa NU sa liderato.

Winalis naman ng University of the East ang UP Integrated School, 25-19, 25-17, 25-22, sa isa pang girls match upang makapasok sa win column.

Nanatili naman ang NU bilang undefeated team sa boys division matapos igupo ang FEU-Diliman, 25-20, 21-25, 25-16, 25-18.

Umiskor sina Pol Santiago at Lorence Cruz ng pinagsaman­g 19 puntos upang giyahan ang Bullpups sa ikatlong sunod nilang panalo.

Namuno naman si Jose Javelona na may 14 puntos para sa Baby Tamaraws na naputol ang naitalang back-to-back wins at bumaba katabla ng Adamson University, na namayani kontra Ateneo, 25-18, 25-7, 25-14 at ng University of Santo Tomas na nagwagi naman laban sa University of the East, 25-18, 2517, 25-18.

Samantala, nakamit naman ng De La Salle-Zobel ang unang panalo matapos payukurin ang University of the Philippine­s Integrated School, 25-15, 25-13, 25-10.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines