PNPA dapat nasa kontrol ng PNP
Mareresolba ang sunod-sunod na hindi magagandang kaganapan sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa paglipat sa superbisyon at kontrol nito sa police force, ayon sa pinakamataas na opisyal ng pulisya.
Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na malaki ang maitutulong ng leadership at training programs na ipagkakaloob nila sa pagkintal ng disiplina at paghubog karakter ng male at female cadets ng PNPA.
“It’s high time that we take full responsibility of the training of our police officers in order to effectively address current dysfunctions,” ani Albayalde.
Kahit na ang Academy ay ipinangalan sa PNP, ito ay nasa ilalim ng pamamahala ng Philippine Public Safety College (PPSC) at ang graduating cadets ay maaaring mamili kung sasali sa Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection bukod sa PNP.
Bukod sa PNPA na isa sa pangunahing pinagmumulan ng police officials, hinihiling din ng PNP ang pamamahala at kontrol sa lahat ng training programs ng mga baguhang pulis.
Ang training program para sa incoming Police Officers 1 ay hawak ng National Police Training Institute na nasa ilalim din ng PPSC.
Nauna rito ay sinibak sa puwesto si PNPA Superintendent, Chief Supt. Joseph Adnol, produkto ng PNPA, dahil sa command responsibility kaugnay sa insidente sa PNPA sa bayan ng Silang sa Cavite kung saan tatlong kadete ang pinuwersang magsawaga ng oral sex sa isa’t isa.
Ilang buwan na ang nakalipas, binugbog ng isang grupo ng PNPA cadets ang ilan sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation.
“With this latest incident involving alleged sexual harassment committed by three upperclassmen against their two underclassmen, there is an urgent need for the passage of Senate and House bills calling for the transfer of the Philippine National Police Academy and the National Police Training Institute from the Philippine Public Safety College to the Philippine National Police,” giit ni Albayalde.
Inirekomenda ni Albayalde si Chief Supt. Chiquito Malayo bilang kapalit ni Adnol.