4 pulis sa drug matrix, bantay-sarado sa CIDG
Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang police colonel at tatlong iba pa na pinangalanan sa umano’y drug matrix ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na ilalagay sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na aktibong pulis upang masiguro ang presensiya nila kapag nagsagawa na ng imbestigasyon maging ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.
Kinilala niya ang limang pulis na sina Senior Supt. Leonardo Suan, Supt. Lorenzo Bacia, Insp. Conrado Caragdag, at SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag.
Una nang sinibak sa tungkulin noong Agosto ang ikalimang pulis na si Senior Supt. Eduardo Acierto, dahil sa pagkakasangkot umano sa maanomalyang pagpaparehistro ng mahigit 1,000 AK47, na ayon sa Presidente ay napunta sa kamay ng mga rebelde.
Isinasangkot din si Acierto at si retired Police General Ismael Fajardo sa pagpupuslit ng P11-bilyon halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC) noong Agosto. Nagresulta ito sa pagkasibak ni Fajardo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Maaari namang maharap sa kasong administratibo ang apat na pulis na napaulat na sangkot umano sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Albayalde na kapwa naassign ang anim na pulis sa dating Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), na ngayon ay Anti-Illegal Drugs Group (AIDG). Ito ang special unit na binuwag matapos masangkot ang mga miyembro nito sa kontrobersiyal na kidnap-slay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Inamin naman ni Albayalde na wala silang natanggap na ulat hinggil pagkakasangkot ng anim sa drug matrix noong nasa anti-illegal drugs unit ng PNP pa ang mga ito.