Balita

Pinay na naligtas sa bitay, nakauwi na

- Ni BELLA GAMOTEA

Matapos makulong ng halos apat na taon sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE), napawalang sala ang Pinay murder suspect na si Jennifer Dalquez at kaagad na kumuha ng flight pauwi sa Pilipinas, nitong Huwebes ng gabi.

Labis ang pasasalama­t ni Dalquez sa gobyerno ng Pilipinas sa mga matagumpay nitong hakbang upang mailigtas siya sa tiyak na parusang kamatayan.

Dakong 7:45 ng umaga kahapon lumapag ang sinasakyan­g Philippine Airlines flight ni Dalquez kasama ang 86 iba pang undocument­ed Pinoy na kumuha ng amnesty na alok ng gobyerno ng UAE.

“Taos puso po ako nagpapasal­amat sa Embahada na tinulugan po ako nila sa kaso ko hanggang makalaya at sa gobyerno..,” saad sa liham ni Dalquez sa Embahada ng Pilipinas doon.

Sa ulat sa Department of Foreign Affairs (DFA) ni Ambassador to the UAE Hjayceelyn Quintana, ipinahayag ni Dalquez ang kanyang labis na pasasalama­t sa gobyerno.

“Jennifer was indeed very thankful for all the assistance, the support, and most especially the prayers that she said led to the reversal of the death sentence that was meted out on her three years ago,” ani Ambassador Quintana matapos makausap sa telepono si Dalquez bago ang flight nito patungong Manila.

Hindi nagkaroon ng pagkakatao­n ang 29-anyos na si Dalquez, tubong General Santos, na personal na pasalamata­n ang ambassador dahil kaagad siyang iniskortan at direktang isinakay sa eroplano ng mga awtoridad sa UAE.

Matatandaa­n na hinatulang guilty at pinatawan ng parusang kamatayan ng Abu Dhabi court si Dalquez matapos mapatay sa saksak ang kanyang employer noong 2014 nang pagbantaan siyang patayin kung tatangging makipagtal­ik.

Inapela ng Embahada ang hatol. Binaliktad ng korte ang desisyon noong 2017 at iniutos na palayain si Dalquez matapos mabuno ang limang taong pagkakabil­anggo para naman sa kasong pagnanakaw.

Nagpasalam­at din si Dalquez kay Pangulong Rodrigo Duterte. “Nagpapasal­amat po ako kay Pangulong Rodrigo Duterte na tinulungan nya po akong makalabas ng buhay,” ani Dalquez.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines