Balita

PH bumaba sa business rankings

- Beth Camia

Lalo pang bumaba ang puwesto ng Pilipinas sa buong mundo pagdating sa pagnenegos­yo.

Batay sa ranking ng Ease of Doing Business report 2019 ng World Bank (WB), mula sa pang-113 puwesto noong nakaraang taon ay bumaba sa pang-124 ang Pilipinas sa 190 bansa sa larangan ng pagnenegos­yo.

Nakasaad sa ulat ng WB na tumaas sa 57.68 ang ‘overall ease of doing business score’ ng Pilipinas mula sa 56.32 noong 2017 dahil sa mga repormang ipinatupad ng gobyerno.

Subalit, mas mabilis pa rin ang ipinatupad na reporma sa pagnenegos­yo ng ibang mga bansa dahilan kaya naapektuha­n ang global ranking ng Pilipinas sa pagbubukas at pagsisimul­a ng negosyo.

Nakaapekto sa mabilis na pagnenegos­yo sa bansa ang mataas na buwis sa registrati­on costs at mas mahirap din ang pagpasok ng kalakal at mga produkto mula sa mga katabing bansa dahil sa maraming inspeksyon na kailangang pagdaanan.

Mas mababa ang ranggo ng Pilipinas sa regional average score na 63.41 sa East Asia and Pacific at kumpara sa mga kalapit na bansa na Malaysia, Thailand, at Indonesia.

Ang 10 nangunguna­ng bansa sa ‘ease of doing business score’ ay New Zealand, Singapore, Denmark, Hong Kong, China, South Korea, Georgia, United States, United Kingdom at Macedonia.

Kaugnay nito, umapela ang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa World Bank na itama ang rankings na anila’y ‘grossly inaccurate’.

Naniniwala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry na walang sapat na basehan ang World Bank sa pagbagsak ng ranking ng Pilipinas sa larangan ng pagnenegos­yo.

Ayon kay George Barcelon, PCCI chairman, ikinagulat ng maraming negosyante at investors sa bansa ang resulta ng ranking dahil inaasahan nila ang pagangat ng bansa bunsod ng mga repormang inilalatag ng pamahalaan.

Mas maganda naman aniya ang ipinapakit­a ng bansa pagdating sa pagnenegos­yo sa ilalim ng administra­syong Duterte kumpara sa mga nagdaang gobyerno.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines