Balita

‘Santo Rodrigo’, puwede naman—obispo

- Mary Ann Santiago

Maaari namang magkatotoo na maging santo si Pangulong Duterte kung magbabago siya, titigil sa panlalait sa kapwa, at magkakaroo­n ng respeto sa kasagraduh­an ng buhay.

Ito ang inihayag kahapon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani bilang reaksiyon sa aniya’y “panlalait” ng Presidente sa tradisyon ng mga Katoliko na bigyang-pugay ang mga santo tuwing Undas.

Ayon kay Bacani, tama naman ang Pangulo na ang mga dating lasenggo, dating mamamatay-tao, at dating magnanakaw ay maaaring maging santo.

Ngunit kinakailan­gan, ayon kay Bacani, na tunay na magsisisi ang mga ito sa mga nagawang kasalanan at tanggapin sa kanilang buhay si Kristo, gaya ng nangyari kay San Pablo.

“In a sense, tama [si Duterte]. Maaaring dating lasenggo, dating mamamatay-tao, dating magnanakaw, kurakot, pero pagkatapos ay nagsisi—‘yan ay mapapabila­ng sa mga santo, basta tunay na nagsisi at bumaling sa Panginoon,” sinabi ni Bacani sa isang panayam sa radyo. Matatandaa­ng nitong Huwebes ay nagbiro ang Pangulo tungkol sa pagdiriwan­g ng All Saints’ Day ng mga Katoliko kahit hindi naman kilala ng mga ito ang mga santo, at sinabing mamamahagi siya ng mga litrato niyang ilalagay sa altar at tatawaging “Santo Rodrigo”.

“So happy All Saints’… bakit naman… sabagay itong t *** *** talaga ‘tong mga Katolikong p***. Bakit naman may All Souls’ Day tapos may All Saints’ Day?” sinabi ni Duterte nitong Huwebes. “Hindi nga natin alam kung sino ‘yang mga santo na ‘yon. Sino ‘yung mga g*** na ‘yon? Mga lasenggo!”

“Itong si Presidente Duterte, puwedeng maging Santo Duterte ‘yan kung ‘yan ay magbabago, kung titigilan niya ‘yong pagmumura, kung titigilan niya ‘yong kanyang kakulangan ng paggalang sa buhay ng kapwa tao, ‘yong kanyang mga panlalait na ginagawa,” sabi ni Bacani.

Kasunod nito, nanawagan naman sa mga Pinoy si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ipanalangi­n si Duterte, na tinawag niyang “very sick man”.

Una nang nilinaw ng Malacañang nitong Sabado na ang nasabing mga pahayag ng Pangulo tungkol sa mga santo ay walang layuning makapanaki­t ng loob ng mga Katoliko, at biro lamang.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines