Balita

Dalawang Chinese, huli sa illegal detention

- Bella Gamotea

Arestado ang dalawang Chinese makaraang dukutin at ikulong ang isang Taiwanese, na may utang sa kanila ng P100,000, sa isang condominiu­m unit sa Pasay City, kamakalawa.

Nasa kustodiya ng Pasay City Police sina Liang Liang Fan, 29; at Chen He, 27, kapwa tumutuloy sa Unit 1232 D Shell Residences, Mall of Asia (MOA), Pasay City.

Nasagip naman ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Police Community Precinct (PCP) MOA ang biktimang si Kuan-Hung Chou, 31, tumutuloy sa Unit No. 2105 Hotel Man Tower, Legaspi Village, Makati City.

Sa ulat na ipinaratin­g ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng rescue operations ang mga pulis matapos na matanggap ng text message mula sa kaibigan ng biktima, si Fan Chung Lin, na hiniling na iligtas si Chou mula sa pagkakadet­ine nito sa Unit 1202 D. Shell Residences, MOA Complex, sa Pasay City, bandang 8:40 ng umaga.

Nalambat sa operasyon sina Liang Fan at He.

Sa pagsisiyas­at, tinangay ng mga suspek ang biktima sa loob ng City of Dreams sa Barangay Tambo, Parañaque City nitong Nobyembre 3, dakong 4:00 ng madaling araw. Dinala at ikinulong nina Liang Fan at He si Hung Chou sa nasabing condo unit sa Pasay sa loob ng 36 na oras.

Nag-ugat ang pagdukot at pagkulong sa biktima dahil sa pagkabigo nito na bayaran ang kanyang utang sa mga suspek na P100,000 cash.

Kinasuhan ang mga Chinese ng slight illegal detention with physical injury.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines