Ika-81 labas
NAG-AWAY ang mag-asawang Ferminomio at Nenamia. Pinagbibintangan ni Ferminomio si Nenamia na may lalaki ito at iyon daw ay nasa may gate lang nila. Naalerto si Fermin.
Nakita pala siya ni Ferminomio. Kung paano, hindi niya alam. At sa ganoong edad ng lalaking iyon at ipinakikitang lakas, mtiyak niyang may iniingatang kapangyarihan ang naturang lalaki.
Nagpasya si Fermin. Kailangang makaalis na siya. Binuhay niya ang makina ng kanyang sasakyan. Pinaandar.
Matagal-tagal din bago niya narating ang kanila. Taka siya. Bakit parang kaylayo ng kanila ngayon? Kaninang kasama niya si Nenamia, parang kaylapit lang ng kanilang tinakbo.
Malapit na siya sa kanilang gate nang ipasiya niyang itabi muna ang dyip. Nag-isip siya.
Tama ban a iniwan niya si Nenamia sa ganoong lagay? Dapat, kahit paano may ginawa siya. Lalaki rin naman siya, di ba? Kung may pagmamahal siya kay Nenamia, kahit paano tumulong siya sa babae.
Mahal niya si Nenamia, walang duda. Iyon ay sa kabila n mahal na mahal din niya si Nena, ang kanyang misis.
Binuhay uli ni Fermin ang makina ng dyip. Hindi niya dapat iniwan si Nenamia sa ganoong kaawaawang kalagayan.
Tahimik na tahimik na ang datnan niya ang lugar nina Nenamia. Wala na ang liwanag na bumabaloy sa bakurang iyon. Sa halip, ang kabuuan niyon ay balot ng pusikit ng karimlan.
Naiisip ni Fermin. Ano kaya ang talagang nangyari? Kung bakit kasi, kahit paano, hindi niya tinulungan si Nenamia.
Naiisip din niya, tama lang na umalis na siya. Kung tinutulungan niya si Nenamia, paano kung may masamang nangyari sa kanya, malaman ni Nena. Lagot siya, di ba? Tama lang na hindi siya nakialam.
Kailangang umalis na siya. Oo, gusto niyang makita silang muli pero hindi pa ito ang tamang pagkakataon. Alam niya, magkikita pa sila. Kung kailan, iyon ang hini niya alam.
Aktong binubuhay niya ang makina ng kanyang sasakyan nang may marinig siyang dumaraing. Nanaghoy. Aa, si Nenamia! Marahil ay kinulong at pinahirapan ni Ferminomio.
Palundag na umibis si Fermin sa kanyang dyip. Mabilis siyang nakapasok sa bakuran at nakalapit sa pintong bagaman at kayluma na sa paningin ay matitiyak na kaytibay. Kinabog ni Fermin ang pinto na gumawa ng kaylakas na kalabog.
“Buksan mo ang pintong ito!” sabi ni Fermin.
Sa halip na sagot sa sinabi ni Fermin, panaghoy ni Nenamia ang naririnig. “Maawa ka...patayin mo na akooo!”
“Kung sino kamang demonyo ka,”sigaw ni Fermin. “Tigilan mo ang pagpapahirap sa isang babae. Ako ang harapin mo, halimaw ka!”
Ang sumunod ay patay na katahimikan. Matagal.
Ano kaya ang nangyari? Bakit tumahimik? Baka kung inano na ng matandang iyon ang ngayon ay pinakamamahal na niyang si Nenamia.
At ngayon natiyak ni Fermin, sobra na ang pagpapahalaga niya kay Nenamia. Handa na siyang pumatay at mamatay!” Haharapin niya si Tanda ng lalaki sa lalaki.
Naghanap siya ng mapapasukan. Kung ilang beses na niyang bigaykatawang sinkaran niya ang pinto pero hindi natinag bahagya man. A, kaytibay nga ng pinto! Wala ba siyang ibang madadaanan?
Sa paghahanap niya ng mapapasukan sa bahay, napabaling ang kanyang tingin sa isang panig ng bakuran, At nagulat siya! Naroon, nakaparada ang sasakyan ni Nenamia na kanina ay hatak nila.
Napaisip siya. Paano nangyari iyon? Kanina lang ay nakaparada iyon sa gilid ng kalsada. Itutuloy...