Pinoy teen, isa sa 13 napatay sa US shooting

Balita - - Pangunahing pahina - Ni ROY C. MABASA May ulat mula sa Associated Press

Kabilang ang Filipino-American college student na si Alaina Punzalan Housley sa 13 nasawi, kabilang ang gunman, sa kahindik-hindik pamamaril sa loob ng isang bar sa Thousand Oaks, California nitong Huwebes sa Pilipinas, kinumpirma ng Philippine Consulate General in Los Angeles.

Si Housley, 18, ay freshman student mula sa Pepperdine University na kabilang sa mga napatay sa pamamaril na naganap sa loob ng Borderline Bar and Grill sa Thousand Oaks, nasa 40 milya ng Los Angeles.

Kinilala ang gunman na si Ian David Long, 28, na nagpaputok ng baril sa loob ng country-western bar, gamit ang Glock 21-made .45-caliber handgun, na ikinamatay ng 12 biktima sa pinangyarihan. Kalaunan si Long ay natagpuang patay sa loob ng naturang establisyemento. Isang rumespondeng pulis ang namatay matapos na kumprontahin ang suspek.

Sa ulat, si Alaina ay nasa Borderline upang sumayaw kasama ang kanyang mga kaibigan. Ang bar ay pinupuntahan ng mga kabataan na nasa edad 18-22.

Sa pagkalat ng balita hinggil sa pamamaril, iniulat din na ang kanyang tiyahin, ang “The Real” host at “Sister, Sister” star Tamera Mowry-Housley, ay nagbasa sa social media upang hanapin ang kanyang pamangkin.

Gayunman, Huwebes na ng umaga nang malaman ng pamilya na patay na ito.

“Our hearts are broken,” pahayag ng pamilya.

“Alaina was an incredible young woman with so much life ahead of her, and we are devastated that her life was cut short in this manner.”

Ayon kay Consulate General Adel Angelito Cruz, patuloy nilang minomonitor ang mga pangyayari sa insidente at nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad kung may iba pang miyembro ng 25,879 Filipinos at Filipino-Americans sa Ventura Country ang nasawi o nasugatan sa insidente.

Sa pahayag ni Ventura County Sheriff Geoff Dean, maraming customer ang nasugatan, kabilang ang mga nagtangkang tumakas sa pinangyarihan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.